Disiplinadong MMDA, the best!

Magiging aktibo daw ang Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa anti-littering campaign.  Ibig sabihin magiging mainit sila sa pagbabantay sa mga tao sa kalsada na walang paggalang sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.

Mag-ingat ang mga mahilig magtapon ng basura sa kalsada, ang mga kung saan-saan umiihi at kung saan-saan dumudura dahil magiging mapagbantay ang mga tauhan ng MMDA sa inyo.  Nakakalungkot minsan na kailangan pa ng kamay na bakal para sa ganitong simple lang sanang mga akto ng kagandahang asal.

Itinuturo naman sana sa atin ito sa ating mga tahanan at sa paaralan. May mga iniiwasan naman tayong mga sakuna kaya ipinagbabawal ang mga ito. Sa pagtatapon ng basura, iniiwasan natin ang pagbara ng mga kanal. Sa pagdura at sa pag-ihi sa kalsada, iniwasan natin ang pagkalat ng mikrobyo na nagdadala ng sakit.

Hindi naman mahirap intindihin kaya parang nakakatawa na may mga karatula pa sa mga kalsada at mga iskinita na nagsasabing BAWAL ang UMIHI DITO o kaya naman ay BAWAL ang MAGTAPON NG BASURA, lalo sa hindi naman talaga dapat tapunan ng basura.  Kailangan pa bang isa-batas ang disiplina?

Ang nakapagtataka kapag nasa ibang bansa tayong mga Pilipino napakagaling nating sumunod sa mga panuntunan sa kalsada. Hindi tayo tumatawid sa hindi tawiran, hindi nagtatapon ng basura kung saan-saan at gaya sa mga bansa tulad ng Singapore, hindi tayo kumakain habang naglalakad sa mga kalsada doon dahil alam nating bawal ang ganun sa Singapore. Lalo ang pagdura sa kalye!
Subukan lang nating gawin yun sa Singapore at sa Hong Kong, na kung hindi ako nagkakamali ay latigo ang parusa.  Ang punto ko, mas magaan ba kasi ang batas dito sa atin pag dating sa disiplina kaya ganun na lang kung babuyin natin ang sarili nating bakuran.

Ang masakit tingnan ay ang mga paslit, mga bata, na walang pangingimi minsan na magtapon ng basura mula sa mga bintana ng mga sasakyan. Mga balat ng candy, mga plastic cups, mga pinagbalutan ng tinapay pagkatapos gamitin ay iniitsa na lang sa kalsada. Dapat sa bata nag-uumpisa ang disiplina na dapat ay natututunan nila sa matatanda.

Kaya halimbawa kung nakikita nila ang kanilang mga magulang na nagtatapon ng kalat sa kalye at dumudura kung saan lang, kahit ano pang pagbabawal ng gobyerno sa gawaing ito, hindi matututo ang maraming Pilipino dahil mismong ang mga magulang nila ang sumusuway sa ganitong disiplina.

Hamon din sa MMDA ang pahayag nila ng paghihigpit na ito dahil sila na mismo ang dapat na mga modelo.  Maraming sakop na aspeto ang anti-littering campaign na ito. Kasama ang hindi paninigarilyo sa lansangan dahil, una bawal ito talaga sa batas, at pangalawa, ay kasunod na dito ang pagtatapon sa kalsada ng upos ng sigarilyo. Naniniwala akong susuportahan ng marami ang kampanyang ito ng MMDA pero sila din dapat ang ating mga modelo.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply