Diyos ko, ’day!

DAPAT maghunos-dili ang mga galit ngayon kay Stephen Hawking – ang henyong physicist at mathematician sa Inglatera – na nagsabing hindi kailangan ang Diyos para likhain ang sansinukob.

Bago kuyugin ng mga relihiyoso at tapalan ng tape ang bibig ni Hawking, makabubuting malaman nilang hindi nito kailangan ang bibig para magsalita. Paralisado ang mama at nakapagsasalita lamang siya sa tulong ng makina at nakapamamasyal sa tulong ng electronic wheelchair.

Hindi naman dahil may kapansanan ang mama kaya dapat magpigil ang mga naniniwala na Diyos ang may likha ng lahat ng bagay sa mundo, kundi dapat muna nilang intindihin kung saan nagmumula ang sinabi ni Hawking. Hindi porke sinabi ni Hawking na pwedeng malikha ang daigdig kahit hindi kumilos ang Diyos e hindi na siya naniniwala sa Diyos.

Para kay Hawking, pwedeng nariyan ang Diyos pero hindi Niya kelangang igalaw man lang ang daliri para malikha ang sanlibutan. Nariyan kasi ang tinatawag na “gravity” at kaya raw nitong lumikha – at lilikha naman talaga – ng bagay mula sa wala. Kumbaga, isang bagay ito na pwedeng ipaliwanag nang hindi na ipinapasa-Diyos pa.

May mga nag-react agad sa balita at gusto ngang tirisin ng iba itong si Hawking. May nagtanong pa ng “Sino ang lumikha ng gravity?” na sinagot naman ng ilang atheist (‘yung mga matigas ang ulong ayaw maniwala sa Diyos) ng “E sino naman ang lumikha sa Tagapaglikha?”

Sensitibong bagay ang relihiyon at pamahiin kaya kung papasok sa gulo, alamin muna ang importanteng mga bagay-bagay. Katulad halimbawa ng paniniwala tungkol sa Diyos nitong si Hawking. Sa libro niya kasing “A Brief History of Time” na ilang ulit binasa ng relihiyosong kasamahan ko noon sa Saudi, tipong tanggap ni Hawking na meron ngang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Paulit-ulit itong sinabi sa akin nu’ng kasamahan kong bilib na bilib sa siyentista kaya naniniwala ako sa kanya na bukas si Hawking sa pananampalataya. Hindi ko nga lang alam kung pwede niyang pagsimbahin o pagdasalin ang mama.

May napansin nga lang ako sa mga relihiyoso: bakit galit na galit sila sa mga atheist samantalang hindi naman galit sa kanila ang mga atheist? Ano bang meron sa paniniwala nila at handa silang mang-away ng mga hindi kapanalig?

Ang totoo niyan, kailangan ng mga naniniwala sa Diyos ang mga hindi naniniwala para mapaunlad nila ang sarili. Sa panahong “nabubulagan” ang mga nananalig, nariyan ang mga hindi naniniwala para sila akayin sa tamang landas. Sa panahon naman ng kalituhan, nariyan ang mga nananalig para ipakita sa hindi nananalig na tama lamang na hindi sila manalig.

Ito marahil ang tinatawag ng mga Marxista na “unity of the opposites.” Umuunlad daw ang mga bagay-bagay dahil sa tunggalian o “kaisahan” ng magkasalungat. Huwag n’yo akong tanungin tungkol dito dahil maging ako e nalilito.

Pero ang gusto ko lang mangyari sa ngayon – tulad rin ng gustong mangyari ng mga kasali sa beauty contests – e magkaroon ng world peace.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply