Doon po sa amin

TULOY-TULOY ang batang musmos sa na pumasok sa pintuan ng bahay namin.

“Taya po,” ‘ika niya.

Nagkatiniginan kami ng ina ko. Kahit medyo nabigla ay nagbanggit siya ng dalawang numero, na agad namang inilista ng gusgusing musmos, sabay talikod at lumabas sa pintuan.

“Ano ‘yun, ‘Ma?” tanong ko.

“Weteng,” aniya.

“Tumataya ka pala nun?”

“Hindi. Nagulat nga ako at biglang pumasok ‘yung bata. Naawa ako kaya tumaya na rin ako,” aniya.

Nagkibit-balikat lang ako. Eniwey, malay natin, baka tumama. Eh di masaya.

Dekada sitenta noon.  Karaniwan ang jueteng sa lugar naming sa Bulakan.  May kaklase nga ako sa elementary na ang ama ang taga-anunsyo ng tumamang kumbinasyon sa umaga at sa hapon.

Noong una ay nagtataka pa ako dahil, sakay ng kanyang makalumang bisikleta, isinisigaw niya ang dalawang numero sa salitang Espanyol sa bawat makasalubong.

Minsan nga, recess at nakatambay sa palaruan, nagsalita ang kaklase ko: “Alam mo, nakakulong ang tatay ko sa munisipyo.”

“Ha! Kawawa naman ang tatay mo,” pag-saamo ko. Pero wala akong nakitang pagkalungkot sa mukha niya.

“Hindi naman. Mamaya, uuwi na ‘yun,” sagot niya. “Lagi namang ganoon.”

‘Yun ang “good ol’ days,” ‘ika nga, panahong inosente pa ang panahon.  Nang ang imahe ng jueteng ay hindi pa kasing baba ngayon. Palibhasa, tinitingnan na wala naman itong napeperwisyo, kahit pa sabihing tinuturing ng batas na ito’y isang krimen.

“Victimless crime,” ‘ika nga.

Ito siguro ang konteksto ni Pangulong Aquino nang una niyang sabihing hindi niya prayoridad ang jueteng. Mas ibig niyang tutukan ang ibang problemang panlipunan, tulad ng pagkalat ng adiksyon sa iligal na droga.

Tama naman, sa isang banda. Pero hindi rin kasi maiisantabi ang jueteng bilang isang matinding isyung ng lipunan ngayon.

Ilang dekada na ang nakararaan mula nang mangyari ang mga kwento kong nabanggit sa itaas.

Noon, sa lokal na antas pa lamang ang operasyon ng iligal na sugal. Pero, tulad ng mga negosyong nagki-klik, nag-level up na ang mga jueteng operator.

Palibhasa ay malaki pala talaga ang market at, siyempre, ang kita, ano pa ba ang gagawin ng isang ganid na tao kundi ang palakihin ang operasyon.

Ang kaso, dahil malaki na ang perang sangkot, kailangan ng malawak at “mataas’ na seguridad. Mataas kasi tumaas na rin ang posisyon ng mga awtoridad na kailangang kausapin at hingian ng “kooperasyon.”

Siyempre, may service fee.

Hindi na nakapagtataka na pati ang mga hepe ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, ang mga gobernador (matagal na ‘yung mga meyor), kongresista, senador at maging pangulo ng bansa ay nakisawsaw na rin.

Hindi kasinungalingan ang sabihing hawak sa leeg ng mga jueteng lord ang pulitika at ekonomiya ng bansa.

Hindi mahirap imadyinin kung gaano kalaking halaga na ang umiikot sa industriya ng jueteng kung mga big-time na ang nakikinabang.

Ang dating pa-barangay-barangay lang ay pambansa na. Iskandalo talaga.

Sana bumalik na lang ang good ol’ days.  Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply