Eid Mubarak!

BUKAS ipagdiriwang ng mga Pinoy na Muslim ang Eid Al-Fitr na isa sa mahahalagang kapistahan ng mga nananalig sa Islam. At dahil ginawa na itong pista opisyal o non-working holiday dito sa Pinas, kabahagi na ng pagdiriwang na ito kahit hindi Muslim; bagay na ang saya-saya, ’no?

Medyo kakatwa para sa mga Kristiyano – na nagdiriwang ng kapistahan sa eksaktong mga petsa – ang Eid dahil nakabatay ang pagdiriwang nito sa kung kailan makikita ang buwan. Nakabase kasi ang Gregorian calendar ng mga Kristiyano sa pag-ikot ng araw samantalang sa buwan naman nakabase ang kalendaryong Islam. Kung nagsimula sa kapanganakan ni Kristo ang Gregorian calendar, nagsimula naman sa Hegira o paglalakbay ng propetang si Muhammad patungong Madina mula sa Makkah ang kalendaryong Islam.

Kaya nagbabagu-bago ang pagdiriwang na ito, gaya ngayon. Setyembre 9 o ngayong araw ang katapusan ng Ramadan batay sa Ummul Qura system ng Saudi Arabia kaya Setyembre 10 ang Eid Al-Fitr, pero meron yatang malinaw ang mata na nakakita ng buwan sa Saudi Arabia kaya napaaga ang pagdiriwang nila ng Eid, at kahapon iyon. Sa mga Pinoy na Muslim, ngayong araw ang Eid pero dahil nga naipako na sa kalendaryo ng gobyerno ang Setyembre 10, bukas o Biyernes pa ang opisyal na pagdiriwang. At wala namang nagrereklamo.

Ang mahalaga, nagkakaisa ang mga kapatid nating Muslim at Kristiyano na dapat ituring ang araw na ito na sagrado at magpakabait muna tayong lahat.

Palibhasa’y mahigit sampung taon akong nanirahan sa Saudi, may pitak sa puso ko ang Ramadan. Syempre, nakakatanggap yata kami lagi ng bonus tuwing Ramadan at mababait lahat ng tao, maliban na lang kapag pabababa na ang araw at nagmamadaling umuwi ang lahat para kumain pagkatapos ng maghapong fasting o pag-aayuno. Makabubuting huwag kang humara-hara sa daan dahil maiinit ang ulo ng mga tao kapag walang laman ang sikmura.

Bagama’t fasting month ang Ramadan, nakatimo sa isipan – lalo na ng mga bata – ang pagkain. Para kasing pista araw-araw, este gabi-gabi pala, dahil matapos ang ayuno sa araw, kainan namang walang humpay simula sa paglubog ng araw hanggang madaling araw. At syempre kasama ng mga Muslim ang Kristiyano na kumakain ng “breakfast” o “iftar.” Hapunan ito sa tunay na buhay pero dahil nga “pinuputol” nito ang fasting, breakfast kung tawagin ito. Hindi pa ako pinalad na makakita ng pagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim dito sa Pinas pero sa Saudi tradisyon na ang kumain ng date (hindi yung isinasama mong lumabas kundi isang uri ng prutas na kamag-anak ng palm na parang pitogo) na minatamis.

Paborito ko ring mamasyal sa mall na bukas sa gabi hanggang alas-dos ng madaling araw. Mababaw lang naman ang kaligayahan ng mga kabayan doon. Kapag nagsawa sa mall, tumatambay kami ng mga kabarkada sa tabindagat para magpahangin, kumain ng pizza at manood ng mga kabayang namamasyal din. Sa mga kapatid na Muslim, Eid Mubarak! (Maligayang Eid Al-Fitr!)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply