Erap, Ping et al kinasuhan sa US
MAY hawak umanong sapat na ebidensiya kaya kinasuhan sa United States District sa San Francisco kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case sina dating Pangulong Joseph Estrada, puganteng si Senador Panfilo Lacson, negosyanteng si Dante Tan at iba pa.
Sinabi ng abogado ng pamilya Dacer na si Atty. Errol Zshornack na may hawak silang ebidensiya laban kay Erap kaya’t kasali ito sa kaso.
Kasama pa sa kinasuhan ng sibil sina dating Philippine Amusement and Gaming Corporation CEO Butch Tenorio, dating -police Colonel Michael Ray Aquino, dating Police Col. Glen Dumlao at PNP C/Insp. Vicente Arnado.
Ginawang batayan sa pagsasampa ng kaso ng magkapatid na Carina at Sabina Dacer ang alien Tort Act ng US code at Torture Victim Protection Act ng 1991.
Ayon kay Sabina, lahat ng bagay ay gagawin nila upang makamit ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang ama.
Kinuwestiyon ng mga ito ang kabagalan ng hustisya sa Pilipinas sa paghahanap at pag-aresto kay Lacson.
Sinabi nila na bagama’t hindi mabilis ang pagresolba ng kaso sa Pilipinas ay umaasa sila sa bagong administrasyon na uusad ang kanilang kaso.
Kabuuang US$50 million ang hinihinging danyos ng mga Dacer at ang US$10 million dito ay para sa compensatory damages at US$40 million naman sa punitive damages.
Kaugnay nito, tinawag naman ni Estrada na desperadong hakbang ito ng pamilya ng napaslang na PR man na si Salvador “Bubby” Dacer.
Muli namang itinanggi ni Estrada na may kinalaman siya sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay Dacer ay driver nitong si Emannuel Corbito noong taong 2000.
You must be logged in to post a comment Login