Flashfloods, landslide sa VisMin pinangangambahan

PINANGANGAMBAHANG magkaroon ng biglang pagbaha at pagguho ng lupa sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao dulot ng mga pag-ulan na dala ng low pressure area na namataan dito.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration forecaster Elvie Enriquez, maliit naman ang tsansa na maging bagyo ang nasabing LPA ngunit maari namang magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang mga ulang dala nito.

Dahil dito, makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao habang ang ibang bahagi ng bansa ay magiging maulap din na may pulo pulong mga pag-ulan.

Ang nasabing LPA ay tinatayang nasa 285 km sa silangang bahagi ng Northern Mindanao at nakahimpil sa Intertropical Convergence Zone na nakaapekto sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Kaugnay nito naglabas na ng flood advisories kahapon ang National Disaster Coordinating Council sa Region 10.

Inabusuhan na rin ng NDCC ang mga residente na nininirahan malapit sa mga ilog o daanang tubig sa erya ng  Misamis Occidental na mag-ingat.

Kinakailangan aniyang matutukan ng NDCC ang mga ilog na kinabibilangan ng Odiogan River, Balatocan River, Cabulig River, Tagaloan River, Cagayan River, Iponon River at Manduloy River, kabilang ang ilog sa Malaybalay. Alex Ching

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply