GANTI (ikawalong labas)

MAHIRAP ipaliwanag pero sa mga mata ng bangkay ng anak, nakikita ni Aling Pilar ang larawan nina Axel, Macoy, Bogart, Clark, Bruce at Calvin.

Mariing nagpikit ng mga mata ang matandang babae …

Iniukit sa kanyang isip ang larawan ng mga suspek.

“Magbabayad ang may utang. Matitikman nila ang lupit ng aking GANTI sa kahayupang ginawa nila sa katawan mo, anak,” bulong ni Aling Pilar sa bangkay ni Alexandra.

Hindi na pinatagal ng ina ang burol ng anak.

Kinabukasan din, inihatid na sa kanyang huling hantungan ang labi ni Alexandra.

Mainit ang panahon pero biglang umulan …

Parang nakikiramay sa sinapit ng kawawang biktima.

Tahimik lang na nakatingin si Aling Pilar habang tinatabunan ang bangkay ng anak.

Hindi alintana ang pagkabasa.

Nakabadha sa mukha niya ang galit.

Sa di kalayuan, ilang kapitbahay ang nagbubulungan.

Naaawa sila kay Alexandra pero mas naaawa sila ngayon sa mga suspek na tumampalasan sa kanya.

Kilala nila ang matandang babae …

Mabait pero nakakatakot kapag nagalit.

Sinuman na pagbuntunan niya nito, kahit magtago pa sa kanyang pinanggalingan, tiyak na masusundan ng kanyang lupit.

Sa Maynila, balewala lang kina Axel ang nangyari.

Sanay na sila.

Marami na silang naging kaso pero hindi naranasang makulong.

Pare-pareho kasing maimpluwensiya at mayaman ang kanilang mga magulang.

Kaya nilang magbayad ng buhay …

Kaya rin nilang tapalan ng pera ang batas …

Nakasandal sila sa kapangyarihan ng kanilang salapi.

“Magpalamig muna tayo,” sabi ni Axel sa mga katropa habang nag-iinuman sila sa isang beerhouse.

May bold dancer na hubo’t hubad na nagsasayaw sa stage at ginagawa nilang hasaan ng paningin.

“Kapag nakalimutan na ng lahat ang nangyari, maghahanap ulit tayo ng katulad ni Alexanda.
Ang sarap yariin ng katulad niyang birhen,” dugtong ng una.

“Oo nga! Kahit magaganda ang babae rito, parang tinatamad na akong gumamit sa kanila. Bilasa na sila kung sa isda dahil sa dami ng gumagamit sa kanila,” sabi naman ni Bruce.

“Maghahanap tayo ng bagong salta at sila ang gagawin nating biktima,” sabad naman sa usapan ni Bogart.

Sa mga sandaling iyon, naglalamay din si Aling Pilar.

May isinasagawa siyang seremonyas …

Nakaluhod sa harap ng altar na baligtas ang krus.

Habang nagsusunog siya ng kamanyang at insenso, umuusal siya ng mga kataga na tanging siya lamang ang nakakaunawa.

Mariin siyang nakapikit …

Pero sa kadiliman sa likod ng kanyang mga mata, malinaw niyang nakikita ang larawan ng tropa ni Axel.

Suko hanggang langit ang nararamdaman niyang pagkamuhi sa grupo.

“Kung nakalibre sila sa pag-uusig ng batas, sa akin ay hindi sila makakaligtas. Aanihin nila ang lupit ng impiyerno sa paniningil na gagawin ko sa kanila,” galit na sabi ng matandang babae. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply