IIRC report iho-hostage ni PNoy

MAGMIMISTULANG hostage ang report ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC), kabilang ang mga rekomendasyong nakapaloob dito, sa loob ng isang linggo.

Sinabi ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III kahapon na pagbalik na lamang niya pag-aaralan ang nasabing ulat at aaksyunan ang anumang mga rekomendasyong nakapaloob dito.

Lumipad si Pangulong Aquino patungong Estados Unidos kagabi para sa isang state visit. Inaasahang magbabalik ang Pangulo kasama ang kanyang 57-kataong delegasyon sa Setyembre 28.

Inaprubahan din kahapon ni Presidente Aquino ang pagsasapubliko ng report ng IIRC, na siyang nag-imbestiga sa mga pangyayari noong nakaraang Agosto 23 kung kailan nangyari ang hostage incident kung saan walong turistang Tsino ang namatay.

“This morning, we sent a copy of the report to the Chinese ambassador. Now I am authorizing the release of IIRC’s findings of fact to the public, in fulfillment of our administration’s commitment to transparency. It will be published online in the Official Gazette,” ani Aquino.

Samantala, nagkakaisang tinuligsa ng ilang senador ang desisyon ng Palasyo na bigyan muna ng kopya ng ulat ang embahada ng China kaysa mga mamamayang Pilipino.

Sa magkakahiwalay na panayam, nagkakaisa ang ilang senador na dapat unahin ng Palasyo na makaalam ang sambayanang Pilipino sa naturang report dahil karapatan ng mamamayan ang nilalaman ng ulat.

Sumang-ayon sa ganitong paniniwala sina Sens. Jinggoy Estrada, Gregorio Honasan, Ramon Revilla Jr., Ferdinand Marcos Jr., Juan Miguel Zubiri, Alan Peter Cayetano at Francis Escudero.

“Gusto nilang i-please ang China pero sa usapin ng transparency, dapat unang maka-alam ng report ang sambayanang Filipino,” ayon kay Estrada.

Sinabi naman ni Honasan na “kahit masyadong sensitibo ang isyu, dapat unang audience sa report ang ating mamamayan.”

“Sa Pilipinas nangyari at sa usapin ng pampublikong interes, dapat unahin natin ang ating mamamayan,” ayon kay Honasan.

Nagkatugma naman ang pananaw nina Revilla at Marcos na magsagawa ng sabay-sabay na pamamahagi ng IIRC report sa embahada ng China at paglalantad sa sambayanang Pilipino kaysa unahin ang naturang bansa.

“Hindi lamang sila ang apektado. Mas lubha tayong apektado sa isyu tulad ng ating ekonomiya at turismo na lubhang naapektuhan ng insidente,” paliwanag ni Revilla.

“Dapat sabay-sabay lahat,” ayon naman kay Marcos.

Pinayuhan naman ni Zubiri na dapat unahin ng Palasyo ang kapakanan ng sambayanan sa nilalaman ng ulat kaysa unahin ang isang dayuhan.

Para kay Cayetano na kung may Freedom of Information Bill (FOI), wala nang maikakatuwiran ang Palasyo sa sinuman kahit sa China na dapat nilang ilantada ng report sa mamamayan kaysa unahin ang ibang bansa.

“Dapat ginawa na lamang nila, hindi na ipinahayag sa media. Ngayon, paano nila sasanggahin ang isyu,” ayon kay Escudero. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply