Ina ng ‘airplane baby’ malabo nang mahabol

INIREKOMENDA ng mga kababaihan sa Kamara de Representantes na ikulong ng habambuhay ang mga nanay na magtatapon ng kanilang sanggol.

Ginawa nina Malabon Rep. Josephine Lacson-Noel at Bagong Heneras­yon Party-list Rep. Bernadeth Herrera ang nasabing rekomendasyon matapos matuklasan ang isang sanggol sa isang eroplano ng Gulf Air na itinapon ng ina sa basurahan.

Kapwa sinabi ng mambabatas na lahat ng pasahero ng Gulf Air na dumating ilang oras matapos matagpuan ang sanggol ay dapat hingian ng tulong upang agad matukoy kung sino ang nanay ng bata.

Bunsod nito nanawagan din si Lacson-Noel sa mga kinauu­kulang ahensya ng gobyerno na muling paigtingin ang kampanya para turuan ang mga nanay kung papaano mahalin ang kanilang mga anak.

Samantala, bagama’t tukoy na ang  babaeng pasahero na nakaupo sa seat No. 40-D ng GF-154, tumanggi naman ang awtoridad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pangalanan ang tunay na magulang ng isang sanggol na itinapon sa basurahan sa loob mismo ng eroplano.

Gayun pa man nananatili pa ring palaisipan para sa mga awtoridad ng NAIA kung paano nailuwal ang isang sanggol sa loob eroplano nang walang bakas ng dugo at ingay na narinig.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) Director Delia Bauan, inihayag ng opisyal na hanggang ngayon ay blangko pa rin sila sa pagkakakilanlan ng ina ng sanggol na pinangalanang si baby George Francis, halaw sa code name ng Gulf Air kung saan iniwan ang bata.

Sa ngayon ay nasa isang ospital si George Francis at nasa pangangalaga ng DSWD.

Sa pahayag ng ilang opisyal ng airline company, may bahid ng dugo umanong nakita sa seat No. 40-D ng Flight GF-154, na galing ng bansang Bahrain at lumapag ng NAIA kamakala ng pasado alas onse ng umaga.

“Nakita na lang noong naglilinis ang bata. Nakakabit pa ang placenta sa bata na nagangahulugang bagong panganak ito,” ayon sa opisyal.

Samantala sa panig ng DSWD, ipinaliwanag ni Bauan na mayroong tatlong buwang palugit ang ina ng sanggol para ito i-claim bago nila ito ideklarang abadonado sa ilalim ng batas.

Pero aminado naman ang opisyal na malabo ng magpapakita pa ang ina dahil tiyak umanong may pananagutan ito sa ginawa sa sanggol.   Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply