Interbiyu sa hostage-taker bawal na

TINIYAK  ng isang senador na ihahain niya ang isang panukalang batas na magbabawal sa lahat ng media na kapanayamin ang sinumang hostage taker tulad nang isinagawa ng isang istasyon ng radyo kay dating S/Insp. Rolando Mendoza.

Sa pagtatapos ng pagdinig hinggil sa naging papel ng media sa madugong hostage crisis sa Maynila noong Agosto 23, sinabi ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na dapat ipagbawal ang pag-interview sa hostage-taker.

Walang dahilan na ibinigay si Sotto, ngunit tiniyak naman niya na hindi ito nilalabag ang probisyon sa Saligang Batas hinggil sa kalayaan sa pamamahayag.

“Walang paglabag kasi hostage taker siya. Hindi niya dapat maipahayag ang anuman niyang damdamin,” giit ni Sotto.

Kabilang sa sasaklawin ng kanyang panukalang batas na iklasipika ang isang hostage-taker bilang terorista upang masakop naman ang ganitong pangyayari sa alituntunin na itinakda ng pulisya na ipinagbabawal na makapanayam ng media ang sinumang terorista.

“Dapat iklasipika natin ang hostage-taker bilang terorista upang masakop siya sa probisyon na nagbabawal  mag-interview sa mga terorista,” paliwanag ni Sotto.

Sa naturang pagdinig, sinabi naman ni Sen. Gregorio Honasan na wala nang batas na ihahain sa Kongreso upang magkaroon ng alituntunin ang lahat ng media organization sa paghawak ng isang hostage crisis tulad nang nangyari noon sa Maynila.

“Sa ngayon, walang panukalang batas na ihahain hinggil sa media handling ng ganitong sitwasyon  kasi kung limitado ang pakikialam ng Kongreso sa media, mas makabubuti. Bagkus, dapat mag-usap-usap ang lahat ng media organization at talakayin ang self-regulation,” dagdag ni Honasan.  Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply