Ituwid ang liko-likong daan sa natural gas

MAUUBOS yata ang sarili nating natural gas sa Malampaya, Palawan na hindi man lang mapakikinabangan ng lahat.
Imadyinin ninyo ito, Suki.

Nagsimulang magluwal ng natural gas ang minahan sa Malampaya noong Oktubre 2001. Eh 20 taon lang umano ang buhay nito.

Nangangahulugan na nasa 10-11 taon na lang ang natitirang buhay ng minahan.

Pero hanggang ngayon, hindi pa talaga ito napakikinabangan ng lahat sa kalakhang Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Batangas, Cavite at Quezon lang ang nakikinabang dito pero sa kuryente lamang.

Ngunit kahit na napakikinabangan, nagiging pabigat at nagiging dahilan naman ng  paghihirap ng milyones na lahi ni Juan.

Paano? Aba, sa mahal ng kuryente sa Luzon ay nagkakandakuba-kuba na sa hirap si Juan.

Waepek ang pagyayabang ng mga onorabol na napakamura ang natural gas sa halagang P14 lang kada litro, derpor, mura ang kuryente.

Isipin pa, nasa 60% ng kuryente sa Luzon ang nanggagaling sa mga planta ng kuryente na pinaaandar ng natural gas sa Batangas.

Pero, por dios por santo, nakapagtatakang pataas nang pataas ang kuryente at parang lahat na lang ng mga planta ng kuryente ay pinaaandar ng napakamahal na langis.

Heto pa.

Wala umanong polusyon dito dahil malinis itong gasolina ng lahat ng mga makina.

Nasaan ang mga makina na gumagamit nito, huh?

Bukod kasi sa pagpapaandar ng mga planta ng kuryente, beri epektib din ito sa lahat ng mga makina.

Pwede sa dyipni,  bus, traysikel, generator ng mga bangkang pangisda at kuliglig ng mga magsasaka at generator ng mga mahihilig sa mga kumukuti-kutitap na hapenings.

Pero may gumagamit ba ng natural gas ng Malampaya sa Northern Luzon, Visayas at Mindanao?

Bakit ang mga malalaki at dayuhang kompanyang may-ari ng mga planta ng kuryente lang ang nakikinabang?
oOo
Meron namang programa si Gloripie gaya ng Natural Gas Vehicle Program for Public Transport pero naghingalo at namatay kaagad matapos ipanganak.

Hindi natin alam ang nangyari at ang alam lang natin, mas gugustuhin ng mga kompanyang may hawak nito na ibenta ang natural gas sa Singapore at Korea dahil mas mahal doon.

Tila wala namang magawa ang mga onorabol dahil 10% lang ang sosyo nila sa likas na yaman ni Juan.

Dahil sa mga bentahe ng natural gas kumpara sa krudo na sobrang mahal at  pinagmumulan ng sobrang polusyon, may mga kompanya ng bus ngayon na nagtutulak sa pamahalaang P-Noy na buhayin ang NGVPPT.

P-Noy, lumalabas na liko-likong daan ang tinatahak ng natural gas na likas nating yaman.

Paano ito itutuwid, huh?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply