Iya Villania, umaariba sa teatro

YAMAN din lamang at walang pelikula si Iya Villania ngayong mga panahong ito, nagpasya siyang tanggapin ang alok ng 9 Works Theatrical na musical play, ang “The Wedding Singer” na stage version ng naunang “The Wedding Singer” na pelikula nina Drew Barrymore at Adam Sandler tungkol sa wedding singer na hindi sinipot ng kanyang mapapangasawa sa araw ng kanyang kasal kaya pinulot siya sa kangkungan na isang wedding singer pero ang siste ay ginagawa niyang zhorak ang bawat kasalang kanyang kantahan.

“It’s a pleasure to be part of this very memorable theater play,” pahayag ng sosyalerang si Iya.

Sa katunayan, dapat ay noon pa ginawa ni Villania ang bersyong pang-entablado ng “The Wedding Singer” pero nagkaroon ng aberya sa pagbibigay ng permiso para maitanghal ito sa Pilipinas mula sa Broadway.

Kaya ang naunang stage play ni Iya ay ang “Footloose” na isa ring sayawan at kantahan.

***
Noon pa man ay katambal na niya si Gian Magdangal sa mga dulang musikal. Kaya ngayon din ay si Gian ang kapareha niya sa “The Wedding Singer.”

Bale ang papel ni Villania ay ang papel ni Drew samantalang ang katauhan ni Magdangal ay ang ginampanan sa pelikula ni Adam.

Maraming awitan ang dula at nagparinig pa nga sina Iya at Gian ng duet ng orihinal na piyesa sa pelikula, ang “Grow Old With You” na nakaka-touch dahil hanggang sa pumuti na ang buhok o tumanda na ay nand’yan pa rin sa tabi ng isang minamahal.

Kinakanta rin ba ito ni Magdangal sa kanyang mahal na Viva Hot Babe na si Sheree?

“Oo naman po,” pakli ni Gian.

***
Ani Magdangal, lahat ng kantang duet ay sinasabi niya kay Sheree, at sa apat na sulok ng kanilang maromantikong bahay, sumasalipawpaw ang matatamis na awit.

“Kinakantahan ko po si Sheree ng mga duet na pinag-aaralan ko o alam ko na. Tapos, ‘yong ‘Grow Old With You,’ talaga po, kinakanta ko sa kanya. I wanna grow old with her,” paniniguro ni Gian.

Talaga, huh!

Bilib naman kami sa walang pagmamaliw na pagmamahal niya kay Sheree na I’m sure, ang haba-haba ng buhok sa mga sandaling ito.

NIKKI VALDEZ, BALIK-TANGHALAN

Nagbabalik naman sa tanghalan si Nikki Valdez na ang ganda-ganda pa ring batang aktres.

Ang produksyon nga ay pinaghalong ABS-CBN Kapamilya Network at GMA Network Kapuso Network dahil sina Iya at Nikki ay taga-Channel 2 samantalang taga-Channel 7 naman si Gian.

O, di ba, bright sina Santi Santamaria, ang executive producer at Robbie Guevarra, ang artistic director at pinakadirektor ng dula?

Hindi naman sumailalim sa audition si Valdez kundi siya ay ipinatawag mismo bagamat pinakanta at pinasayaw muli siya na kayang-kaya naman ng young star.

KRISTA RANILLO, BABALIK NG PINAS PAGKATAPOS MANGANAK

Samantala, ipinagtapat ni Arnold Vegafria, ang talent manager ni Iya, na babalik si Krista Ranillo, ang isa pa niyang alaga, sa Pilipinas sa isang taon.

“Magpapakasal siya rito sa church wedding next year,” pahayag ni Arnold.

Isang Fil-Am ang napangasawa ng aktres sa US pero ang gusto ni Krista ay magpakasal sa simbahan sa Pilipinas.

Nagdadalantao na si Ranillo at walang problema kung siya man ay ikasal sa simbahan pagkatapos niyang manganak.

***

Tiyak na kilala ninyo si Mari Kaimo, ang guwapong newscaster noon sa ABS-CBN at sa GMA Network.

Sa Channel 7 ay nakatambal ni Mari si Riza Hontiveros-Baraquel, ang matapang na newscaster at kongresista.

Ang mahal sa buhay ni Mari na si Enchang Kaimo ay kasama rin sa dulang “The Wedding Singer” at ang kanyang manugang na si Sheila Valderama-Martinez.

Marami ring mga taga-teatro at mga dapat mag-pelikula at mag-TV sa cast ng musicale kaya mula rito ay matutuklasan sila.

Kahit si Chinie Nepomuceno, isa rin sa mga aktres ng palabas ay nagtatrabaho bilang production staff ng “Party Pilipinas” at manaka-naka’y nag-o-on cam bilang singer at dancer. Extra! Extra!/Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply