Jueteng probe na naman

NAKATAKDANG magsagawa na naman (makailang beses na ito) ng magkahiwalay na imbestigasyon ang ating Kongreso sa susunod na linggo laban sa pesteng sugal na jueteng.

‘Yan ay ayon sa resolusyon na inihain ni Senator Miriam Santiago kung saan hinimok nito ang Senate Blue Ribbon Committee, sa pangunguna ni Senator Teofisto Guingona III, na imbestigahan at parusahan ang mga opisyal (ngayo’y lumalabas na pito na) sa ilalim ng Aquino administration na pawang may “tong-pats” o nasa payroll list ng mga jueteng lords.

Kasabay rin nito ang gagawing imbestigasyon ng House of Representatives na ipinangako ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na umayuda sa kahilingan na makasuhan at maparusahan ang mga sinasabing protektor ng jueteng sa ginawang pagbubunyag ni dating Archbishop Oscar Cruz.

Masarap pakinggan ang mga binibitiwang salita ng ating mga mambabatas, di po ba?

Pero ang tanong, may natumbok na ba silang mga jueteng lord at mga opisyal ng gobyerno na sinasabing protektor o may payola mula sa sugal-lupang ito?

Kung inyong matatandaan, ilang beses nang nagkaroon ng congressional probe laban sa jueteng pero kahit isa sa mga sinasabing target ng imbestigasyon ay hindi nakasuhan.

Bagkus ay nanumbalik pang muli sa lansangan ang mga taong nasasangkot at naghasik muli ng kanilang iligal na hanapbuhay.

Eh, kung itong kilalang gambling lord mula sa lalawigan ng Pampanga – na noo’y tinaguriang “King of Jueteng Lords” — ay pinatawag ng Senado noong termino ng yumaong dating Pangulong Cory Aquino nguni’t may nangyari ba? Wala!

Tuloy-tuloy sa hanap-buhay ang mama hanggang sa ipinahawak na niya ang kanyang jueteng sa kung sino-sinong mga alalay niya.

Kinalaunan ay naging takbuhan pa ang mamang ito ng mga pulitiko tuwing magkakaroon ng eleksyon. Kung hindi ako nagkakamali, may isa o mahigit pa na kandidato noon sa pagka-senador ang lumapit sa mamang ito upang humingi ng perang pangampanya. Binigyan ang naturang mga kandidato at nanalo naman ang mga damuho.

Para sa akin, mukhang “sarzuela” na lang ang mga imbestigasyong ito. Nakakasawa na’t nakakainis pa! Tandaan n’yo ito, dalawang bagay lang ang nangyayari sa tuwing magkakaroon ng imbestigasyon kontra sa pesteng jueteng.

Una, pansamantalang titigil ito. Pangalawa, tiyak na tataas ang intelihensiya o “tong-pats” kada buwan ng ilang mga buwayang opisyal ng gobyerno na siguradong papatong sa jueteng!

Gawin n’yo na lang ligal ang jueteng, tapos!

* * *

Naalaala ko tuloy ang isang Senate hearing noon kung saan nagsalita sa isang privilege speech itong si Senator Lito Lapid ng lalawigan ng Pampanga kung saan chairman siya noon – kung hindi ako nagkakamali — ng Senate committee on games and amusements.

May kinalaman ang kanyang privilege speech sa napabalitang wala siyang magawa laban sa malawakang operasyon ng jueteng ng isang sikat na gambling lord sa kanilang lalawigan.

“Huwag tayong maging hipokrito. Saan lalawigan ba sa ating bansa ang walang jueteng?” ‘Yan ang naghahamon na tanong noon ni Sen. Lapid sa kanyang mga kasamahang senador. Alam n’yo ba ang nangyari noon pagkatapos ng privilege speech ni Sen. Lapid?

Tameme ang lahat ng senador sapagka’t alam nila na noong panahon na iyon ay buong-buong nilalamon ng pesteng jueteng ang ating bansa!

* * *

Kamakailan lang ay sinabi ni Presidential Communication Operations Office chief Herminio Coloma sa publiko sa pamamagitan ng isang government radio station na walang “sacred cows” (walang sasantuhin) sa laban ng Aquino administration kontra sa jueteng!

Tanong ko lang: May ipinakita na ba kayong pakikipaglaban kontra sa jueteng mula nang maluklok kayo sa Malakanyang? Kundi pa nagpasabog ng isyu si retired Archbishop Cruz ay posibleng hindi pa rin kayo kumikilos hanggang sa ngayon!

* * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply