Kaanak ni PNoy sa jueteng, takot isabit

NABAHAG  ang buntot ng chairman ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee  na ipatawag ang mga kaanak ni Pangulong  Aquino  na nababanggit sa operasyon ng jueteng.

Sinabi ni Sen. Teofisto “TG” Guingona Jr., na mahirap ipatawag ang sinumang kaanak ni Pangulong Aquino na isinasangkot sa illegal na operasyon ng jueteng base lamang sa kumakalat na mensahe sa text.

“Matagal nang isyu yan. Saka mahirap magpatawag (ng resource person) base lamang sa text,” ayon kay Guingona.

Kumakalat ngayon sa text messages ang paratang na ilang kaanak ni Pangulong Aquino ang siyang utak ng pagdurog kay Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno upang makontrol ang operasyon ng jueteng sa bansa.

Nababanggit sa text messages ang pangalan ng dalawang tiyuhin ni Pangulong Aquino na nauna nang nasangkot din sa operasyon ng jueteng noong administrasyon ni yumaong Pangulong Corazon Aquino matapos mapatalsik ang diktadurya noong 1986.

Kaya inihayag naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na kailangan manggaling mismo kay Pangulong Aquino ang patakaran o kautusan upang tuluyan nang mabura ang operasyon ng jueteng sa bansa.

“I think the bigger question  for this administration is “What are we jueteng (waiting) for? Are we “jueteng” for the hearings to finish?, “ ani Cayetano.

Dismayado naman si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa planong itigil na ang imbestigasyon sa jueteng sa harap nang mas marami pang pangalan ang nasasangkot sa jueteng tulad nang ibinulgar ni Sen. Miriam Defensor-Santiago kamakailan.

“Dapat mas mahaba o mas malawak pa ang gawing imbestigasyon, ngayon pa na mas marami pang pangalan ang nababanggit,” ayon kay Marcos. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply