Kahera ng LBC minanyak ng holdaper sa CR

IKINULONG sa banyo,  pinaghubad ng pantalon at hinipuan ang magandang kahera ng LBC ng holdaper habang hinahalughog ng dalawa nitong kasamahan ang lahat ng salapi at mapapakinabangang gamit sa naturang tanggapan sa Pasay City.

Bukod sa kabuuang halagang P110,794.14 cash, laptop at tatlong cellphone, tinangay rin ng mga suspek ang pinahubad na pantalon ng kaherang si Iris, 24, ng Wagas St., Tondo, pati na ang kanyang wallet na may lamang P250. makaraan ang panghoholdap sa sangay ng naturang delivery service dakong ala-1:30 ng hapon.

Dahil dito, ginamit ng dalaga bilang tapis ang kurtina ng LBC upang makalabas sa comfort room nang dumating na ang mga pulis na mag-iimbestiga sa kaso.

Sa report ni Chief Insp. Raymund Liguden, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIMDS) kay Pasay City police chief Sr. Supt. Napoleon Cuaton, lumabas at kumain ang lalaking kasamahan ng biktima kaya’t  nag-iisa lamang ito sa sangay ng LBC sa EDSA Rotonda nang pasukin ng tatlong lalaking pawang armado ng baril.

Sa follow-up operation ng Police Community Precinct (PCP) 7 ng Pasay police, nadakip ang dalawang suspek dakong alas-4 kahapon ng madaling araw sa  kilalang kuta ng mga holdaper sa Apelo Cruz St.

Nakumpiska kina Dan Diaz, 25 at Rober Rey, 32, kapwa residente ng 704 Apelo Cruz, Malibay ang isang kalibre .38 paltik revolver at isang patalim subalit mariin nilang pinabulaanan na sangkot sila sa panghoholdap sa LBC.  Amor Virata

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply