Kapatid na Muslim, boto na mapangasawa ng Sultan of Sulu si Angelica Jones

Pag nagkataon, tuluyan nang malululong sa Islam si Angelica Jones.

Matatandaan na adopted Muslim princess na siya sa Sulu nang ampunin siya ni Sultan Esmail Kiram II ng Sultanate of Sulu.

Buong puso’t kaluluwang tinanggap ni Angelica ang titulo dahil nais niyang maranasan ang damdamin at isipan ng isang babaing Muslim kahit man lang sa seremonya ng pag-aampon.

Iprinisinta na nga sa publiko si Jones kasama ang sultan at napanood ng kapatid ng maharlikang Muslim ang palabas.

Ayon kay Ginoong Esmail Kiram II, nag-text sa kanya ang kanyang kapatid at itinatanong kung ano ang namamagitan sa kanila ng aktres.

“Natawa lang ako. Kinatantiyawan ako no’ng kapatid ko. Kung asawa ko na raw si Angelica. Sabi ko, parang anak ko na lang si Angelica,” natatawang pahayag ni Kiram.

Kung puwede nga lamang ay halatang boto ang utol ni Sultan Kiram kay Angelica.

Maaari naman kasing mag-asawa ng kahit na ilan ang isang Muslim lalo na ang sultan pero kontento na nga ang beteranong lider sa kanyang buhay-pag-ibig.

***

Sa lalong madaling panahon ay magdadamit na ng Muslim si Angie, palayaw ni Angelica, para makapiling muli ang sultan.

“Inihahanda na namin ang ipinatahi naming damit. Naisukat na nga ni Angie. Nagpunta na ako sa San Pablo City para makita ‘yong damit. Naku, napuyat kami sa damit na ‘yon,” pahayag ni Beth Jones, ang ina ni Angelica.

“Magpi-pictorial na si Angie na naka-Muslim attire siya. Matutuwa si Sultan Kiram dahil mabait na mabait siya kay Angie at mabait din siya kay Sultan Kiram. Kaya naman tumatanaw kami ng utang na loob sa kanya,” paliwanag ni Beth.

Maging si Angelica ay pabor na maging tunay siyang Muslim pero dumadaan kasi ito sa proseso kaya maghihintay siya nang tamang panahon.

Sa ngayon ay maligaya na ang aktres na musa siya ni Sultan Kiram at bokal ni Leo Caparas, ang inhenyero na koneksyon ng mga Jones sa mga Kiram.

***

Samantala, pinangaralan ni Gloria Diaz ang kongresista at TV hostess na si Cutie del Mar kaugnay sa opinyon ng huli sa pagiging persona non grata ni Gloria sa Cebu .

Banned din si Diaz sa buong Cebu kaugnay ng kanyang mga pahayag sa telebisyon na lumalabas na bobo at hindi marunong mag-Ingles ang mga Cebuano.

Pero pag pinakinggan at pinanood nang matama ang mga sinabi ni Gloria ay wala itong masamang ibig sabihin, sabi ng peryodistang pampelikula na si Bayani San Diego, Jr.

Hindi naman sinisisi ni Diaz si Mario V. Dumaual na siyang nag-interbyu sa kanya para sa “Star News” ng “TV Patrol” ng ABS-CBN kaugnay sa maling interpretasyon ng mga nakapanood, partikular ang mga Cebuano, sa pagtatagni-tagni ni Mario ng kanyang mga sinabi o soundbites.

“I blame those who misinterpreted what I said. There is a plan to ruin me,” pahayag ni Gloria.

Idiniin ng 1969 Miss Universe na wala siyang intensyon na siraan ang mga Cebuano.

***

Pero nagpatuloy si Cutie at sinabi nito umanong kailangang humingi ng paumanhin si Ms. Diaz sa kanyang mga kababayan sa Cebu .

“Una, dapat malaman niya ang puno’t dulo ng bagay na ito bago siya magpahayag ng kanyang opinyon although everybody is entitled to his or her opinion,” katwiran ng aktres.

Nakikisawsaw kasi si del Mar sa isyu na para kay Glorious Days ay hindi nararapat.

“She should check first her facts,” susog pa ni Gloria.

Galit na galit din si Diaz sa mga lider ng bansa na inuuna pa ang pagpatol sa mga alingasngas kaysa pagpapaunlad ng bayan.

***

Sinabi ni Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe na nagpaparamdam pa rin sa kanya si Conrad.

“Nang pumunta kami nina Bok Inciong, ’yong dating Masculados, sa kina Direk Celso Ad. Castillo sa Siniloan, Laguna no’ng Friday, nang mag-ayos ako sa banyo ni Direk, nang tumingin ako sa salamin, nasa likod ko si Conrad.

“Pinangalisagan nga ng balahibo si Direk. Sabi niya, dalawang beses na nakapunta sa Siniloan si Conrad at nando’n din daw ang kaluluwa si Conrad. Ako naman, natutuwa dahil binabantayan ako ni Conrad kahit na saan,” pahayag ni Zeny sa miting ng pagbubuo ng MEDIA Philippines na siyang asosasyon sa Pilipinas ng United Filmmakers Association kasama sina Gene Cruz, Manny Huang ng PCSO, Bong Pablico ng JCB Compound, Adiomar Requiza at filmmaker Jose “Kaka” Balagtas.  Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply