Kilabot na Sako Gang tukoy na ng pulisya

KILALA na ng pulisya ang lider ng kilabot na “Sako Gang’ na nanghoholdap sa mga pampasaherong bus at isinisilid sa dalang sako ang mga nakukulimbat ng mga ito, matapos na muling umatake kamakalawa ng hapon, sa Las Pinas City.

Hindi pinaligtas ng limang suspek pati ang driver ng ERJohn Almarks Bus na si Charito Donayre, 36, ng 787 Coronado st., Hulo, Mandaluyong City kasama si Randy Villar, 27, konduktor, ng Jose Abad Santos St., Saletran, Dasmarinas, Cavite, nang tangayin din ang salapi at cellphone ng mga ito, kasama ang mga nakulimbat sa mga pasahero nang isagawa ang panghoholdap, sa Zapote-Alabang Road.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Crisando Calatay at PO2 Geuel Capuz, sumakay ang limang holdaper sa naturang bus na may plakang TYR-498 patungong Alabang, Muntinlupa saka nagdeklara ng holdap.

Isa-isang sinamsam ng mga ito ang lahat ng personal na gamit at salapi ng mga pasahero na inilagay sa sako bago bumaba at muling sumakay sa kulay itim na SUV na walang plate number.

Positibo namang kinilala ng mga biktima sa larawan ng mga wanted person na ipinakita ng pulisya ang hinihinalang lider ng grupo na si Reynan Santiago, miyembro ng Onad Groups, na responsable sa mga panghoholdap at kidnapping.

Hinihinala ng pulisya, na ang grupo rin ni Santiago rin nagsagawa ng panghoholdap sa mga pasahero ng WLH Liner noong Agosto 31 sa Pamplona I sa Las Pinas City, kung saan isinilid din sa tatlong sako ang mga nakulimbat na salapi at personal na gamit ng mga pasahero. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply