Ligal ang maging gahaman?

Nakaka-shock para sa ilan na ang sahod daw ng Pangulo ng Singapore ay mahigit $2 Million US dollars sa isang taon samantalang ang sahod ni Barrak Obama ay $400,000 a year. Ang Pangulo ng bansang Indonesia ay sumasahod ng US$124,171 kada taon.

Si Pangulong Aquino kamakailan ay proud na ipinakita sa media ang kanyang kauna-unahang pay check bilang Presidente na P65,000 (pesos) kada buwan. Kung simpleng kwenta ang gagawin natin – P65 X 12 – ay P780,000 isang taon kung hindi pa kakaltasin ang tax. Kung iko-convert natin sa US dollars (P45 to a dollar), parang US$17,333.333 lang bawat taon ang sweldo ng Pangulong Noynoy.

Kumpara sa sweldo ng tatlong Presidenteng nabanggit, dapat bang proud tayo o nakakahiya ang sobrang baba ng sweldo ng ating Presidente?  Sa itsura ni PNoy sa press release photo nya na hawak ang kanyang unang sweldo ay para namang proud na proud pa si Aquino.

Napapag-usapan ang sweldo ng mga public servants dahil sa imbestisgasyon ngayon sa Senado tungkol sa sobra-sobrang sahod at extra perks pa daw ng mga opisyal ng Philippine Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Matatandaan na si Pangulong Aquino mismo ang unang nagbulgar ng mga nagtatabaang mga benepisyong ito ng mga GOCC heads.  Suportado ng mga Pinoy ang isinasagawang imbestigasyon ngayon tungkol sa mga sobrang sweldo ng ilan sa ating mga government officials.

Pero tingnan natin ulit ang Singapore, ang laki ng sweldo ng Pangulo nila pero pag tinanong mo ang mga tao doon kung sa palagay nila ay corrupt at magnanakaw ang kanilang Pangulo ang malamang na sagot ay hindi.  Siguro sa isang bansang progresibo, mayaman, maganda ang buhay at tahimik ay pwedeng sumweldo ng malaki ang Pangulo dahil siguro deserving nya ito.

Dito sa atin, alam natin na hindi lang naman P65,000 ang inuuwing sahod o mga benepisyo ng isang Pangulo. Ang mga GOCC heads na iniimbestigahan ngayon ay iginigiit pa rin na hindi naman talaga kalakihan ang kanilang mga sweldo.

Pero alam natin na hindi lang sweldo ang kanilang benepisyo gaya na nga ng mga nabulgar na mga dagdag bonuses at kung anu-ano pa.  Kung baga, iba ang press release na sweldo pero iba at di-hamak na mas malaki ang totoong kinakabig nila mula sa kaban ng bayan.

Dito pumapasok ang problema. Greed o pagiging gahaman. Sabi sa pelikulang Wall Street – Greed is legal. Kaya ba matapang ang mga GOCC heads dahil ginawa nang ligal ang pagiging gahaman? Hindi lang mga taga GOCC kundi kahit mga mambabatas.

Ang sabi ay P35,000 lang kada buwan ang sahod ng isang Kongresista pero naniniwala ba ang mga tao na ito nga lang ang benepisyo ni Cong?  Ang punto lang dito ay ang dapat na kapalit na serbisyo ng sweldo.

Kung maganda ang performance ng bansa, ng isang korporasyon, okay lang siguro na malaki ang sweldo ng mga opisyal nito. Pero naman, naghihirap ang bayan, halos kalahati ng populasyong Pinoy ay gutom, bangkarote ang mga ahensya ng gobyerno, at may gana pa silang kumabig ng malaking sweldo. Nakakahiya diba.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply