Ligtas na Laruan

Ang pagpasok ng mga buwan ng “ber” dito sa atin ay tunay na hudyat na papalapit na rin ang Kapaskuhan.  Ngayon pa lang ay binibihisan na ng mga palamuting pamasko ang ilang malalaking tindahan, habang pinatutugtog ang mga “Christmas carol” na ating kinagiliwan sa mahabang panahon.

Madarama rin ang maagang paghahanda sa Pasko sa masiglang kalakalan ng mga panindang patok na patok sa panahong ito, laluna ang mga makukulay at magagarang laruan na paboritong pangregalo sa mga anak, pamangkin at ina-anak.

Sa maraming mamamayan ay numero uno ang Divisoria sa pamilihang mapagkukunan ng mga bagsak-presyong laruan na karamihan ay inangkat mula sa Tsina.  Ang 168, Divisoria Mall, New Divisoria Center at mga karatig na tindahan ay matatawag ngang paraiso para sa mga “bargain hunter.”

Pero, hindi lahat ng mga laruang maganda sa mata at makapagpapasaya sa mga bata ay ligtas.

Sa Singapore noong nakaraang buwan (Agosto 16) ay inilabas ng isang “consumer protection group” ang isang nakakatakot na katotohanan sa mga laruan na dapat sana ay ngiti at saya ang dala para sa mga bata.

Sa ulat ng Consumer Association of Singapore ay 23 sa 50 laruan na kanilang binili sa iba’t ibang tindahan sa kanilang bansa at ipinasuri sa isang pribadong laboratoryo ang nakitang nagtataglay ng katakut-takot na mga kemikal na “lead” at “phthalate.”

Ang mga laruang kanilang pinili upang ipasuri ay mga laruang may matitingkad at makukulay na pinta (indikasyon ng posibleng sobra-sobrang “lead”) at mga laruang gawa sa malambot at lastikong plastik (indikasyon ng posibleng labis-labis na “phthalate”).

Ang “phthalate” na karaniwang ginagamit na pampalambot sa mga plastic na polyvinyl chloride (PVC) ay nagdudulot ng pinsala sa “reproductive system”.  Ang DEHP o “di (2-ethylhexyl) phthalate” ay “suspected carcinogen.”

Mapanganib ang kemikal na ito, laluna sa mga bata, kaya naman ipinagbabawal ang paggamit nito sa mga laruan at iba pang gamit pambata sa Estados Unido at Europa.

Ang “lead” naman ay kilalang lason sa utak na maaaring magdulot ng masamang epekto sa pag-iisip at pag-unlad tulad ng “attention deficit,” “learning disabilities,” “decreased IQ scores” at “behavioral problems.”

Sa 23 laruan na bumagsak sa “chemical toxicological test,” 16 ang lumampas sa “limit” para sa phthalate, 3 ang humigit sa “limit” para sa “lead” at 4 ang lumagpas sa “limit” sa parehong “phthalate” at “lead.”

Dagdag pa, 5 sa mga laruang ito ang lagpak sa “physical/mechanical test” at karamihan rin ay walang taglay na tamang etiketa.

Upang matiyak na ligtas ang mga laruang ipinagbibili sa Divisoria at gayundin sa mga “shopping mall” ay nararapat lamang na magsagawa ng malawakang pagsusuri ang pamahalaan, partikular ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI).

Kahit na sinasabing “non-toxic” sa etiketa ay kailangang matiyak na totoo ito at hindi mapanlinlang na patalastas lamang.

Karapatan ng bawat bata ang ligtas na laruan, at responsibilidad nating matatanda na tiyakin ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply