‘Live naturally’ sa Puerto Princesa City

PUERTO PRINCESA CITY–“Live naturally.  Dito, you can swim with the fish, sing with the birds, grow with the butterflies. Kaya dito na kayo pumunta kung nais ninyo ng tahimik na buhay.”

Ito ang simpleng pamumuhay na ipinagmamalaki ni Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn sa kaniyang teritoryo, malayo sa polusyon sa kalunsuran gayundin sa mga natural na kalamidad.

Sa isang masaganang hapunan na inihandog ng alkalde para sa Department of Science and Technology (DOST) kasabay ng isinagawang 2010 Southern Luzon Cluster Science and Technology Fair dito sa pangunguna ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) DOST Regional office, ipinamalas mismo ni Hagedorn ang video presentation kaugnay sa mga proyektong natapos at kasalukuyang isinasagawa ng lungsod.

“Dto bihira kaming dalawin ng kalamidad, wala laming lindol dito at wala kaming bulkan,” ani Hagedorn.

Mahigpit aniya niyang tinututulan ang pagmimina, iligal na pamumutol ng kahoy (illegal logging) at iligal na pangingisda.

Hindi rin siya natinag sa tahasang pagbabanta sa kaniya sa posibilidad na makasuhan ng ‘economic sabotage’ dahil sa pagtutol nito na magkaroon ng minahan at pagto-troso sa nasabing lungsod.
“Gusto ng Presidente ang mining at logging bilang bahagi ng kaniyang flagship program sa kaniyang adminsitrasyon, tapos haharangin mo,” ayon sa mga nasasagasaan ng alkalde at sa mga hindi binibigyan ng permit na mag-operate ng ganitong gawain.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na 100 porsyento ng environmental sustainability ang kaniyang center piece sa lungsod.

“Paano ka magsu-sustain kung ang iha-harvest mo ay non-renewable gaya nitong mining.
Hinuhukay mo ng hinuhukay ang mina, eh hindi na tutubo yan.  Ok, pag nahukay mo na yan, what?

For a while, masarap, may pera.  Pagkatapos nito ano na?”, ani Hagedorn pagkatapos ng isang makasaysayang hapunan.

Gumagamit ng cyanide ang pagmimina anang alkalde sa pag-e-extract ng ginto.  Ito’y kemikal na nakalalason at nakasasama sa kapaligiran at kalusugan ng indibiduwal.

Iginiit pa nito na hanggang ‘lip service’ lamang ang paulit-ulit na sinasabi ng iba na ‘ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.

“Kung talagang mahal natin ang kabataan, bakit natin winawasak ang kanilang kayamanan, ang kalikasan?  Let us preserve these for sustainable development.  Yan ang sustainability.  Ihanda sa kanila ang environment na yan at turuan sila na gamitin lang dyan yung sapat para sa lifestyle.

Huwag mong aabusuhin,” diin pa ng tatay ng Puerto Princesa City.

Kapansin-pansin ang kawalan ng mga factory o pagawaan sa lungsod dahil tinututulan din ito ng alkalde.  Nagdudulot aniya ito ng mga nakalalasong basura (toxic waste) na nakasasama sa kapaligiran at sa kalausugan ng tao.

“Tingnan mo ang US, kahit ilang milyung dolyar ang gamitin nila para linisin ang paligid, hindi nila magamot.  Kaya para sa akin walang mangyayari sa mining.  Yayaman ang multi-nationals.

Temporary lang yan.”

Dahil dito, hinamon ng alkalde ang mga matitigas ang ulo na nagnanais na makapagmina sa kaniyang lungsod.  Aniya, tambak ang aplikante sa bawat isang kilometrong sukat ng lupa sa Puerto Princesa City para makapagmina.

“Sige, puntahan natin yung lugar na una kayong nagmina.  Show me the place where the forest cover is intact, where the people are wealthy and healthy after massive mining operation.  I might as  ell change my mind,” paliwanag pa nito.

“Nabubuhay naman kami dito kahit walang mining, logging.  Hindi kami nagmamadali sa pag-asenso basta’t sigurado lang at walang napeperwisyo.”

“Ang ipinaglalaban ko ay may maiwan pang resources para sa susunod na henerasyon.  Kami ay caretakers lang dito.  Ayokong nasa libingan na kami pero minumura pa rin kami ng mga residente dito,” giit pa ni Hagedorn.

“Tingnan mo yung mga kapatid nating Igorot sa Baguio, kailangan pang sumayaw para magkapera…samantalang ginto ang hinuhukay sa Baguio.  Marami na ding disasters na naganap dahil sa walang pakundangang pagmimina.”

Idinagdag pa ni Hagedorn na hindi rin niya pinahihintulutan ang pagtatayo ng mga gusali na mas mataas pa sa ikaapat na palapag.  “Gusto namin dito yung hindi natatakpan ang aming mga puno.”    Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply