Luneta tragedy: Kapit-tuko sa puwesto, posas sa media

TINAPOS na ng Department of Justice ang masusing imbestigasyon sa hostage-taking-massacre sa Luneta.

Ano-ano na ang mga susunod dito?

Siyempre pa, andiyan ang pagtukoy sa kung sino-sino ang mga dapat na managot sa madugong pangyayari.

Hindi na mahahabol pa siyempre sa kriminal na kaso si S/Insp. Rolando Mendoza dahil tepok na ito.

Hindi na siya masesentensiyahan at makukulong sa kidnapping at murder.

Kung may hahabulin man sa kanya ay ang sibil na pananagutan. Pero may pag-aari ba itong pupuwedeng mahatak para maging danyos perhuwisyo sa mga biktima?

Eh ang iba pang mga may pananagutan?

Sabi noong una, dapat may gugulong na ulo sa hanay ng mga awtoridad.

Sino-sino sila?  Dapat na mabilis na umaksyon ang mga kinauukulan ukol dito para maipakita sa buong mundo na tapat tayo sa paggagawad ng katarungan.

May napansin lang tayo.

Sa Japan at Korea, sa mga ganitong pangyayari, may mga naghaharakiri o nagsu-suicide na mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa kapalpakan.

Wala tayong nakikitang gumagawa nito at tila kumakapit-tuko ang lahat sa puwesto.

At ang pinagdidiskitahan at pinag-iinitan ay ang media.

Sabi, kung wala sanang coverage ang media sa pag-aresto ng parak sa kapatid ni Mendoza na si Gregorio, wala sanang nangyari at kung hindi sana inokupa ng media ang telephone lines, nakakilos sana ng maayos ang mga awtoridad.

Anak ng tokwa, ganun ba yun?

Pero kung uugatin natin ang krimen, lumalabas na nagsimula ang lahat sa kotong con shabu ng mga iskalawag na pulis.

Kung iikutan ang kabuuang oras ng krisis, sino-sino ang mga pumalpak?

Mula sa hanay ng mga pulis, lokal na pulitiko at nasyonal na liderato ng bansa, sino-sino ang mga nagpabaya, nagkamali sa pagdedesisyon, umepal at ibpa?

May kinatatakutan ako tuloy, mga Bro.

Sa halip na ayusin ng mga nasa pamahalaan ang kanilang mga sarilisa pagtupad ng kanilang mga tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan, ang  media pa ang tila gusto nilang posasan sa paggampan nito ng tungkuling magbalita ng kapalpakan nila at mga pangyayari.

BakiiiiiiT?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply