Makati nanganganib na masunog sa gasolina

HINDI na biro-biro ang lumalawak na sakop ng tumatagas na gasolina sa Brgy. Bangkal, Makati City.

Hindi na lamang ang West Tower Condominium ang naaapektuhan kundi maging ang mga nasa paligid.

Wataymen, hindi na lang sa basement ng condo tumatagas ang gasolina kundi pati sa mga poso sa paligid.

Sa madaling salita,  Suki, napakadelikado ang kalagayan ng lugar sa pagkalat ng gasolina.

Bukod sa nakasusulasok na amoy ng gasolina, paano kung magkasunog sa lugar?

Hindi sapat na ideklara ng Makati City ang state of calamity sa lugar.

Dapat kambalan ito ng mabilisang pagkilos na hanapin ang pinagmumulan ng tagas at isara ito.

Kung talagang kinakailangan ang tulong ng mga eksperto, gawin na kaagad.

Nakatatakot isiping kapag sumabog at magkasunog sa lugar, baka hindi lang ang paligid ang mapipinsala.

Hindi ba may tubo ng gasolina ang isang malaking kompanya sa lugar?

Minsan nang hinukay ang tubo nito malapit sa condo pero walang natagpuan na tagas.

Kaya lang baka hindi lang natamaan iyon.

Dapat na lawakan pa ang mga paghuhukay ng mga kinauukulan o sarhan ang tubo sa loob ilang panahon hanggang sa mapatunayang hindi talaga galing dito ang gasolina.

oOo

Kamakailan lang, Suki, ay sumabog ang isang lugar sa San Bruno, California kina Uncle Sam.
Noong una, akala nila, eh, tinamaan lang sila ng mahinang lindol.

Yun pala, sumabog ang tubo ng natural gas sa kanilang lugar.

Nang lumabas ang mga apoy sa pagi-pagitan ng kanilang mga bahay, saka na lang sila nabulabog.

Isang kilometro ang taas ng apoy at pumatay ito ng nasa apat na katao habang mayroon namang nawawala at sumunog din ng maraming bahay.

Kahit maganda ang aksyon ng mga awtoridad doon, inabot sila ng 60 oras para sarhan ang tubo at matagal ding panahon ang inubos nila sa pag-apula ng sunog sa mga umaapoy na kabahayan.

oOo

Ngayon ay may nagbabantay na mga bumbero sa lugar.

Nasaan ang mga kemikal at gamit nila laban sa malaking posibilidad na pagsabog ng lugar?

Ang sabi, dahil palala nang palala ang amoy ng gasolina sa lugar, kasama na silang nahihirapang huminga.

Kung iisipin, nasa ikatlong buwan na ang problema at nakaipon na nga ang mga nagbabantay ng mahigit sa 200 dram na gasolina.

Pero nakapagtakang hindi pa nasosolusyunan ito ng mga kinakuukulan.

Ang ibang mga problema ay pupuwedeng ipospon na harapin, pero itong may gasolina na condo at nangangamoy-gasolina na kapaligiran ay hindi.

Hindi ba palatandaan ang sobrang tagal na pagresolba sa problema ng sobrang kainutilan ng pamahalaan? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply