Matututo ba ang mga bata sa ‘no assignment?’

PARANG nagpipiyesta ang mga bata sa anunsyo ng Department of Education na simula sa darating na Biyernes, wala na silang iuuwi na asaynmen.

“May panahon na kaming maglaro!” sigaw ng mga bata.

Bigla tuloy natin naalaala ang isang bata nang pumasok ito sa unang araw ngayong iskul yir.

Pag-uwi niya sa tanghalian, agad niyang hinanap at tinanong ang kanyang nanay, “Nanay, kelan ang bakasyon?”

Napakamot na lang ang nanay at sinagot nito nang matino ang kanyang anak. “Sa abril pa.”

Sabi ng bata, “Ang tagal naman pala niyan.”

Nagtinginan na lang ang mga magulang nito at nagkaisa sa pag-iisip ng, “Iba na talaga ang mga bata ngayon.”

Kayo kaya, Suki, ang tatanungin ng inyong anak ukol sa bakasyon sa kauna-unahan niyang araw sa iskul?

Hindi kaya kayo kakabahan?

Ilan sa palagay niyo, Suki, ang ganitong uri ng mga mag-aaral sa elementarya na umaabot sa 13 milyon?

oOo

Sang-ayon sa anunsyo ng DepEd, pagsusumikapan na lang umano ng mga titser na ibuhos ang mga sarili sa pagtuturo sa mga bata mula sa Lunes hanggang Biyernes.

Baka sakaling mas matuto pa umano ang mga bata sa ganitong paraan.

Maganda rin umanong isipin na magbubunga ito ng mas magandang pagsasama-sama ng mga bata, kanilang mga kapatid at magulang nang walang hasel.

Kay gandang tingnan at pakinggan ang katwirang yan.

At maganda kung maaabot ng mga pablik iskul ang magandang kalidad ng edukasyon at makatulong ang mga guro sa pagpapaunlad ng buhay komunidad ng mga pamilya sa sistemang yan.

oOo

Sa kabilang banda, katotohanan sa buhay na iba ang isip sa gawa.

Por eksampol, ano ang ibig sabihin ng reklamo nina sir at madam na “ipinababalikat na lang lahat ng mga magulang ang mga anak sa kanila?”

Sa elementarya lalo na, at lalo sa mga klaseng sangkaterba ang estudyante, grabe kung mapagod talaga sina sir at madam kaya naman may naidaraing sila.

Dagdag dito, humahalo pa ang mga sariling aktibidad ng mga iskul gaya ng mga pakontes sa akademic at isports at nasasayang ang oras na nakararaming bata.

At dito na pumapasok ang halaga ng mga magulang at asaynmen.

Alam ba nina sir at madam na ang daming  magulang ang nag-eenjoy sa pagtulong sa kanilang mga anak sa paggawa ng mga asaynmen?

Isipin pang, bugbugin mo pa ng instruksyon ang mga bata sa iskul, may kulang diyan at napupunuan lang ng mga magulang sa mga araw ng Sabado at Linggo.

Sa totoo lang, may kakaibang bonding ang mga pamilya sa edukasyon sa mga araw ng pahinga.

Kapag puro laro at bonding lang ang gagawin ng mga bata at magulang, may napipigtas na atensyon ng mga bata sa iskul at pag-aaral. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply