Mga bus isasama uli sa number coding

Inihayag kahapon ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority na posibleng mapabilang muli sa  Unified Vehicular Volume Reduction Program o number coding ang mga pampasaherong bus makaraang tatlo lang sa 17 miyembro ng Metro Manila Council ang humiling  na bigyan sila ng panahon na mapag-aralan muna ang naturang panukala.

Sa ginanap na pagpupulong ng MMC sa Makati City Hall kamakalawa ng hapon, hiniling nina Makati Mayor Junjun Binay, Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro at Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na isumite sa kanila ang mga panukala upang marebisa muna nila itong mabuti bago sila maghayag ng pagsang-ayon.

Hindi anila dapat masakripisyo sa naturang panukala ang mga mananakay sa oras na maipatupad ito kaya’t nararapat lang ang masusing pagrebisa.

Ayon naman kay Marikina Councilor Serafin Bernardino, pangulo ng Metro Manila Councilors League at voting member din ng MMC, wala siyang tutol na mapabilang ang mga pampasaherong bus sa umiiral na UVVRP lalo na’t makatutulong ito sa paglutas sa problema sa daloy ng trapiko.

Sinabi naman ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na napakaraming bus na tumatakbo sa EDSA na kalahati o halos wala namang pasahero at ang mga ito ang labis na nakadaragdag sa mabigat na daloy ng trapiko.

Sa panig naman ng kinatawan ni Malabon City Mayor Canuto Oreta, noon pa man ay suportado nila ang umiiral na UVVRP kaya’t wala silang tutol kung mapabilang sa programa ang mga pampasaherong bus.

Nagpahayag naman ng kasiyahan si Chairman Francis Tolentino sa inaning suporta ng kanyang panukala mula sa MMC sa paniwalang isa itong magandang hakbang upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.

Napag-alaman na dati nang kabilang sa UVVRP ang mga pampasaherong bus subalit sinuspinde ito ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong taong 2004 bunga ng pagla-lobby ng ilang maimpluwensiyang bus operators. Amor Virata

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply