Mga preso sa Munti mawawalan ng tirahan

NAMIMINTONG  mawalan ng “tahanan” ang mga nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) matapos atasan ng Senado ang Department of Finance (DOF) na ibenta ang lahat ng lupain ng pamahalaan na hindi pinakikinabangan, tulad ng mga kulungan.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on finance, inatasan ni Sen. Franklin Drilon ang DOF na magsagawa ng imbentaryo sa lahat ng ari-arian ng pamahalaan, tulad ng NBP, na maaaring ibenta upang makalikha ng pondo ang gobyerno.

“Dapat nang ibenta iyon (NBP) para mapakinabangan at magkaroon ng economic activity at makalikha ng hanapbuhay sa isang piraso ng ari-arian nang walang pakinabang,” wika ni  Drilon.

Kahit sinuportahan ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang panukala ni Drilon, mahigpit na tinutulan naman ito ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sen. Francis “Chiz” Escudero

“Bakit hindi? Magkakaroon ng malaking kita ang gobyerno sa pagbebenta at maililipat ang mga preso malayo sa Metro Manila,” ayon kay Zubiri.

Sa pananaw ni Marcos, maaaring magkaroon ng pagkilos pangkabuhayan sa lupain na sakop ng NBP kahit hindi ibinebenta ang ari-arian sa pamamagitan ng pag-uupa o joint venture ng pamahalaan sa pribadong sektor.

“Puwedeng magkaroon ng economic activity kahit hindi ibenta ang lupain kasi puwede naman pumaloob ang pamahalaan sa joint venture o paupahan ang lupain sa pribadong sektor,” ayon kay Marcos.

Sinabi naman ni Escudero na hindi tamang ibenta nang ibenta ng administrasyon, bagkus dapat lang umano magkaroon ng imbentaryo sa lahat ng idle lands ng gobyerno at suriin kung alin ang dapat ibenta at alin ang dapat panatilihin sa pag-aari ng gobyerno.

Sa punto naman ng mga preso, iminungkahi naman ni Marcos na ibenta sa pribadong sektor ang pamamahala sa mga kulungan tulad nang nangyayari ngayon sa ibang bansa na pribadong kompanya ang namamahala.

“Nangyayari na ngayon ito sa ibang bansa tulad sa Amerika, pribadong sektor ang namamahala sa kulungan. Bakit hindi gawin natin dito. Pribadong sektor ang bahala sa pagmementeni, pagsasanay at pagbabantay sa mga preso. Pero, dapat magtayo muna ng kulungan ang gobyerno para dito,” giit ni Marcos. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply