Mga taong gising tuwing tayo’y tulog

MAHIRAP gumising o manatiling gising magdamag.  Hindi ito karaniwan dahil “diurnal” o aktibo tuwing araw ang katangian ng tao.  Hindi tayo tulad ng mga paniki o kwago na “nocturnal” o aktibo lamang kung gabi hanggang madaling araw.

Pero sadyang kailangan ng lipunan ang serbisyo ng mga taong aktibo kahit alanganing oras. Dapat lamang tiyakin na hindi sila naaabuso upang hindi maisasakripisyo ang kanilang kalusugan at pangkalahatang kapakanan bilang mamamayan at manggagawa. Ang sumusunod ay tala ng mga taong gising at aktibo kahit dis-oras ng gabi hanggang madaling araw.

CALL CENTER AGENTS. Ang mga call center agent na nakatalaga sa “graveyard shift” ay gising at aktibo kahit alanganing oras.  Iba ang oras ng mga bansa sa Hilagang Amerika (North America) kung saan nakabase ang kanilang mga dayuhang kliyente.  Magkabaligtad ang araw at gabi sa kanluran at silangang panig ng daigdig kaya kailangang may nakaantabay magdamag sa kabilang linya ng telepono. Subalit upang hindi antukin habang nasa trabaho ay sumusobra  ang kanilang pag-inom ng kape na nagdudulot  ng caffeine addiction.  Labis ding nakasisilaw ang liwanag sa loob ng opisina (exteme illumination). Sinadya ito ng pamunuan upang gisingin ang kanilang mga nananamlay at inaanntok na katawan at diwa para tumaas ang kanilang produktibidad.  Kapwa ito masama sa kalusugan.  Dahil sa alanganing pasok at uwi ng mga kabilang sa “graveyard shift” ay mas bulnerable rin sila na mabiktima ng krimen tulad ng panghoholdap, panggagahasa at iba pa.

NAGKAKATAY NG KARNE AT MGA NAGLILITSON. Para tiyaking may sariwang suplay ng karne sa pamilihan kinaumagahan ay maaagang nagpapatay ng hayop at nagkakatay ng karne sa slaughter house ang mga matador.  Maaga ring sumasabak ang mga naglilitson ng baboy at baka lalo na yaong mga namamasukan sa malalaking negosyo ng litsunan.  Subalit kailangan nilang maging mag-ingat dahil maaari silang mapinsala ng mga matatalas nilang kagamitan, pinakukulong tubig sa kawa, madudulas na sahig at iba pa.  Dapat din tiyaking laging malinis ang katayan upang hindi makontamina ng mikrobyo ang mga karne at para hindi lumaganap ang sakit sa kanilang hanay at mga mamimili.

NAMAMASADA. Kabilang dito ang mga namamasada ng taxi, jeep, bus, tricycle at iba pa.  Buong araw ang pangangailangan ng publiko sa serbisyo ng sektor pantransportasyon kaya wala ring patid ang kanilang trabaho.  Sa hirap kumita, napipilitan ang maraming namamasada na bumiyahe ng 24 na oras.  Natutulog sila ng maiikling oras sa pagitan ng ilang biyahe para makabawi ng lakas at pahinga.  Subalit kung minsan ay hindi ito sapat kaya nababawasan ang kanilang pagiging alerto sa lansangan na nagbubunga ng aksidente at pinsala.  Napabalita na rin dati ang paggamit ng ilang namamasada ng ipinagbabawal na gamot lalo na yaong malalayong probinsya ang ruta upang manatiling alerto sa byahe. Banta ito sa kanilang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero.  Mahalaga ang papel ng pamahalaan at ng mga operator upang matigil ang gawaing ito.  Biktima rin ang mga namamasada ng laganap na holdapan at pamamaslang tuwing alanganing oras.  Sa halip na maging hanap-buhay ay naging hanap-patay.

MANGAGAWANG PANGKALUSUGAN SA OSPITAL. Walang pinipiling oras ang aksidente at pag-atake ng mga traydor na sakit (halimbawa: sakit sa puso at stroke) kaya magdamag ding may nakaantabay sa  mga institusyong pangkalusugan. Regular din dapat masubaybayan ang mga pasyente kaya may pang-umaga at pang-gabing grupo ng manggagawang pangkalusugan sa ospital.  May mga pagkakataon din na dahil sa dami ng pasyente at kakulangan ng kawani ay kailangan nilang tumao ng 24 na oras.  Banta ang ganitong kondisyon sa kanilang kalusugan at maging sa kapakanan ng kanilang pasyente dahil maaaring makaapekto ito sa kalidad ng kanilang serbisyong medikal.  Ang kakulangan sa tulog at pahinga ay nagreresulta sa mahinang konsentrasyon, maling pagdedesisyon at pagiging iritable sa pakikitungo.  Wika nga ni Dr. Edwin Baniqued, “Longer shift hours are not physiological.”  Ibig sabihin ay hindi ito angkop sa normal na paggana (normal function) ng katawan ng isang tao.

PWERSA NG SEGURIDAD. Kabilang dito ang mga pulis, sundalo, tanod, security guard at iba pa. Laganap ang krimen tuwing malalim ang gabi at madaling araw kaya dapat masigasig ding magbantay at magpatrolya ang pwersa ng seguridad (security force) sa mga komunidad.  May tatlong paraan upang pigilan ng kriminalidad.  Ang mga ito ay prebensyon, pagpaparusa (retribution) at rehabilitasyon.  Ang pagbabantay at pagpapatrolya ay kabilang sa una. Mahalaga ang kanilang papel upang proteksyunan ang buhay at ari-arian ng publiko subalit dapat tiyakin na wala silang karapatang pantao na nilalabag sa proseso.

MANGGAGAWA SA PABRIKA. Para tuloy-tuloy ang produksyon, may mga pagawaan na magdamag ang operasyon (may pang-umaga at pang-gabing grupo).  May mga kaso rin na upang matugunan ang pangangailangan ng kliyente ay buong araw na pinagtatrabaho ang mga manggagawa.  Ayon sa isang grupo ng mga nagsusulong sa karapatang pantao ng mga pabrikante, may mga kaso silang naitala kung saan tuwing may mga nahihilo sa assembly line ng pabrika ay pinaiinom lamang sila ng kanilang mga superbisor ng gamot na pampawala ng hilo gayong ang lunas dapat ay sapat na pahinga at tulog.  Mas bulnerable ring maaksidente at  makaaksidente sa pabrika ang mga mangagagawang pagod, puyat at gutom sanhi ng mahinang konsentrasyon at kontrol sa katawan at makina.

Kahit hindi normal, marami ang napipilitang magtrabaho tuwing dis-oras ng gabi hanggang magbukang liwayway.  Mahirap na nga ang ganitong sitwasyon ay mas lalo pa itong pinasasahol ng mga kondisyon at patakaran sa paggawa sa opisina at pagawaan.  Dapat itong maituwid sa pamamagitan ng kolektibong aksyon, at hindi ng paisa-isang reklamo o pagbibitiw lamang.

Ang may akda ay nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).  Para sa reaksyon, maaaring mag-email sa jnponsaran@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply