P1.3-bilyon ‘pork’ nailusot ni GMA

NATUKLASAN  ng Senado na umaabot sa mahigit P1.324.5 bilyong halaga ng congressional initiatives o mas kilala bilang pork barrel sa mga kongresista at senador ang pinakawalan ng dating administrasyon ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bago maghalalan.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado hinggil sa pambansang badyet, natuklasan ng Senate Committee on finance sa pamumuno ni Sen. Franklin Drilon na pinakawalan ng dating DBM Sec. Rolando Andaya ang naturang halaga sa walong lalawigan.

Ayon kay Drilon, chairman ng komite, naipamahagi ang P1.325 bilyong halaga sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order (SARO) sa loob lamang ng isang linggo mula Pebrero 18 hanggang Pebrero 26, 2010.

“Ginamit ito bago maghalalan base sa records ng Department of Budget and Management (DBM) sa loob ng isang linggo naipalabas lahat ng iyan, we have to check that,” ayon kay Drilon.

Base sa records na nakalap ng komite, pinakamalaking naipalabas ng pondo para sa lalawigan ng Romblon na umaabot sa P370 milyon, sumunod ang Albay na nakatanggap ng P362 milyon, Leyte at Tacloban City, P160M; Antique, P145M; Biliran, P80M, Butuan City P80M, Catanduanes, P80M at Pampanga, P62.5M.

Pinatotohanan naman ni DENR Se. Romeo Pahe na ginamit ang naturang halaga sa paghuhukay ng mga ilog sa iba’t ibang lalawigan na mahirap matukoy kung naisagawa ang proyekto o hindi.

Nagtataka naman si Drilon kung bakit ilang buwan lamang ang halalan at sa loob ng maikling panahon, napakawalan ang naturang halaga.  “Dredging is a major source of corruption, hindi natin masusukat iyan kung gaano kalalim at hanggang saan ang ginawa nila.”

Dahil dito, sinabi ni Drilon na mas malalim na paghuhukay sa records ng DBM ang isasagawa ng komite upang matukoy kung kanino naibigay ang kontrata ng naturang mga proyekto at matukoy ng komite kung makatotohanan na naisagawa ang proyekto.

“Una, hahanapin natin kung kanilang kontraktor naibigay ang kontrata, tapos titignan natin sa records ng ahensiyang nagpatupad ng proyekto, saka matutukoy natin kung naisakapatuparan ang proyekto,” ani Drilon.

Sinabi ni Drilon na magkakaroon ng ocular inspection sa mga ilog na nilinis ng ahensiyang nagpatupad ng proyekto, ngunit naniniwala siyang mahihirapan ang komite kung naisatuparan ang proyekto. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply