P200M ng 3 itlog sa SSS dapat habulin nina PNoy

MAALAALA pa ba ninyo, Suki, ang notoryus na salita sa $330 milyong iskam sa ZTE-NBN deal?
Op kors hindi yung “back off” ng dating FG ni Gloripie kay Joey de Venecia III kundi ang “may dalawa ka riyan!”

Ito umano ang sinabi ni nagresayn na Comelec Tserman Ben Abalos kay Romulo Neri habang bosing pa ito ng National Economic Development Authority.

…Yun ay kung aprub sa kanya (Neri) ang may tongpats na nasabing kontrata.

Ang problema, nang siperan ni Gloripie ang bunganga ni Neri sa pamamagitan ng Executive Order 464, wala nang nakaalam pa kung ano ang ibig sabihin ng “dalawa.”
P200 milyon komisyon o P200 piso tongpats o basta “dalawa” lang?

oOo

Pero sa sinasabi ni Senador Franklin Drilon na iskam sa Social Security System, may malinaw na tinutumbok ang salitang “dalawa.”
P200 milyon ito, peryud.

Ito ang halagang iligal umanong ipinagbubulsa ng tatlong itlog sa SSS habang nakaupo pa sila bilang bosing ng ahensiya.

Tinukoy ni Sen. Frank Drilon ang tatlong itlog na sina ex-SSS chair Thelmo Cunanan, Ex-SSS chair Romulo Neri at ex-SSS legal consultant Sergio Apostol na pawang mga apointi ni Gloripie.

Sa imbestigasyon ng Senado, may naibulsa umano si Cunanan na P132.6M na per diem at bonus, profit sharing and stock options at iba pang mga bonus bilang kinatawan ng SSS sa Philex, Unionbank at First Holdings sa mga taong 2007-2010. Kumita naman umano si Neri ng kabuuang halagang P44.2M, kabilana ang P36.9M na bonus, bilang direktor ng Philex at Unionbank sa mga taong 2008-2010. Nagkaroon din si Apostol ng P25.1M, kabilang na ang P23.4M na bonus, sa mga taong 2008-2010.

Ngayon, Suki, kuwentahin ninyo ang nasikwat umano ng tatlong itlog. Hindi ba mor dan P200M lahat yan, huh?

oOo

Sabi ni Drilon, maaaring may karapatan na ibulsa ng tatlo ang mga per diem o yung alawans nila sa pagdalo sa mga miting ng mga direktor ng mga kompanyang doon nakalagak ang pondo SSS bilang kasosyo nila.

Pero yung ibang kita nila gaya ng profit sharing at stock options (pagbili at pagbenta ng sapi ng nasabing mga kompanya), alawans, director’s fee  at iba pang mga benepisyo dahil kinatawan sila ng SSS sa tatlong kompanya ay iba nang usapan, giit ni Drilon.

Dapat umanong isinurender nina Cunanan sa SSS ang mga kita nila rito dahil itinuring lang sila umanong katiwala ng ahensiya.

Sabi ni Drilon, dapat nang paghahabulin o pagbabawiin ng SSS ang milyones na ibinulsa at iniuwi nina Neri, Cunanan at Apostol.

O kayong mga bosing ngayon sa SSS, tserman  Juan Santos at president  Emilio de Quiros, ano pa ang inaantay ninyo, huh?

Kilos na!

Warning shot: kung ayaw niyong kumilos, eh, magandang magresayn na kayo ngayon din.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply