P208M kinita ng appointees ni GMA sa SSS

IBINULGAR ng Senate finance committee na umabot sa P208 milyon ang pinagsanib na kinita ng tatlong appointees ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa bonus at profit share sa iba’t ibang kompanyang pinaglagakan ng pondo ng Social Security System (SSS).

Ayon kay Sen. Franklin Drilon, bukod sa miyembro ng board of trustees na sina SSS chairman Thelmo Cunanan, SSS president Romulo Neri at Sergio Apostol, itinalaga din sila bilang miyembro ng mga miyembro ng board of directors ng tatlong kompanyang pinaglagakan ng pamuhunan ng SSS.

Itinalaga ang tatlong nabanggit bilang director ng Union Bank, Philex Mining Corporation at First Philippine Holdings Corporation bilang kinatawan sa pamuhunan na inilagak ng SSS sa naturang kompanya.

“Umuupo sila bilang mga direktor sa mga kompanya na pinaglagakan ng pamuhunan ng SSS. Halimbawa sa Philex, tumatanggap ang board director ng halagang isa’t kalahati ng kabuuang kita ng kompanya matapos awasin ang buwis. Napupunta ang bonus na ito sa mga (miyembro ng) board of directors, kabilang ang mga kumakatawan sa SSS. Hindi ito ibinabalik sa SSS,” ayon kay Drilon.

Base sa datos na ipinamahagi ng tanggapan ni Drilon, lumilitaw na pinakamalaki ang “nakulimbat” ni Cunanan na umaabot sa P132,656,655.07 mula 2007 hanggang 2010 bilang direktor ng naturang pribadong kompanya.

Sa tatlong kompanya, pinakamalaking kinita ni Cunanan sa Philex na nagkakahalagang P70, 968.300.90 sa ilalim ng stock options, per diem at iba pang bonus noong 2009.

Pinakamaliit ang sa Union Bank na umabot lamang sa P960,000.00 noong unang bahagi ng taon bilang bayad sa per diem nito sa pagdalo sa mga board meeting.

Sumunod kay Cunanan si Neri na humakot na mahigit P44,193,964.48 bilang bayad sa pagdalo sa board meeting, stock options at kinita sa profit sharing sa Philex Mining at Union Bank lamang.

Pinamalaki ang kinita ni Neri noong 2009 na umabot sa P27,563.352.51 bilang director ng Philex at Union Bank, at pinakamaliit niong 2010 na umabot lamang sa P6,228,896.00.

Huli si Apostol na umabot lamang sa P25,120,864.48 mula 2008 hanggang 2010 mula sa Union Bank at P6,345,278.00 bilang director naman ng Philex Mining mula 2009 hanggang sa kasalukuyang taon. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply