P5B nailusot ng dating administrasyon

PANIBAGONG  multi-bilyong pisong  pondo na naman ang natuklasan ng Senate finance committee na ipinalabas ng nakaraang administrasyon sa Department of Agriculture na nagkakahalagang  P4.896 bilyon sa loob ng dalawang araw bago maghalalan noong Mayo 10, 2010.

Sa ginanap na pagdinig ng komite, sinabi ni Sen. Franklin Drilon na dalawang magkakahiwalay na Special Allotment Release Order (SARO) ang ipinalabas ng nakaraang administrasyon noong February 10, 2010 sa halagang P3.650 bilyon at noong Marso 17, 2010 sa halagang  P1.246 bilyon.

“These are records from the Department of Agriculture, I am not talking here in the air,” ayon kay Drilon.

“Natuklasan natin ito habang dinidinig ang badyet ng DA,” dagdag ni Drilon.

Sinabi ni Drilon na ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa pamumuno ni dating Sec. Rolando Andaya ang naturang pondo sa DA sa pamumuno naman ni dating Sec. Arthur Yap saka ipinamahagi naman ng ahensiya sa 13 rehiyon.

“Malaking bulto ng pondo ang ibinigay sa DA saka ipinamahagi ng Department of Agriculture sa 13 regions,” ayon kay Drilon.

Ginamit ang naturang pondo sa pagpapatayo umano ng farm-to-market roads at iba pang impraestruktura para sa programang Ginintuang Masagang Ani ng dating administrasyon.

“Aalamin natin kung saan napunta ang pondong ito. Kailangan malaman natin ang accomplishment report, sinu-sino ang benipisaryo at kung sino ang kontraktor na nakakopo ng proyekto,” paliwanag ni Drilon.

Ipinagtataka ni Drilon kung bakit napunta sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) ang pinakamalaking halaga na umabot sa P436 milyon na hindi naman rice producing region.

“Sa amin sa Iloilo, na pawang rice producing region, umabot lamang sa P195 milyon at P27.5 milyon ang ipinalabas ng DA,” ani Drilon. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply