Pabor ka ba sa ‘no homeworks on weekends?

MAKATARUNGAN ba na ipatupad ang Memorandum No. 392 ng Department of Education (DepEd) o ang ‘No Assignment on Weekends’?.

Umani ito ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga guro at magulang ng mga mag-aaral lalo na sa mga nasa kindergarten at elementarya.

Alinsunod sa naturang kalatas, inuutusan ang mga guro na huwag magbigay ng homeworks o takdang-aralin sa kanilang mga mag-aaral tuwing Biyernes upang magkaroon ng ‘quality time’ ang bata sa kanilang mga magulang o mas kilala na “bonding moments” sa araw ng Sabado at Linggo.

Gayundin sa kanilang mga kalaro at iba pang mga  kamag-anak.

Naniniwala si DepEd Secretary Armin Luistro na bilang bata, may karapatan ito na makapaglaro at gawin ang mga bagay na ginagawa ng isang normal na lumalaking bata.  Hindi ito dapat na ipagkait sa kanila.

Hindi natin maitatanggi na may mga paaralan lalo na sa mga pribado na talaga namang ‘major, major’ kung magbigay ng takdang aralin.  Tila sinusulit ang dalawang araw na bakasyon ng bata para huwag makapaglakwatsa.

Hindi ba’t ang bakasyon ay nakatalaga sa pagpapahinga mula sa isang linggong pag-aaral hindi lamang sa mga bata kundi maging sa mga magulang.  Nakapagpapahinga sa gastos, nakatutulog ng mahaba-habang oras at nakapare-relax mula sa mga paghahanda bago pumasok sa paaralan ang bata mula sa pagluluto ng almusal. Paghahanda ng baon, maging ng uniporme.

May ilang mga guro din na tutol sa memorandum na ito dahil anila may mga mag-aaral na maikli lamang ang ‘memory retention’.  Ibig sabihin minsan pagkalabas na ng klase nakalilimutan na ang lahat ng pinag-aralan.  Kahit paulit-ulit mong irebyu makalipas ang isang araw, hindi na ito maalala ng bata.

Naririto ang ilang kuro-kuro ng ilang ‘working parents’ hinggil sa naturang memorandum ng DepEd:

Malou (Paco, Manila)—Naku ayaw ko niyan noh! Dapat wala ng assignements pag weekends…5 days na ngang pumapasok ang bata…para naman makapagpahinga.  Kawawa naman ang bata.”

Boyet (Las Pinas City)—Huwag lang masyadong marami kasi wala nang ginagawa ang mga anak ko kundi gumawa ng assignments pag walang pasok. Yung konti lang para hindi naman maisakripisyo yung karapatan nilang makapaglaro bilang mga bata.

Jeffrey (Paranaque City—Oo pabor ako dyan kesa naman Sabado’t Linggo araw ng pahinga…gagawa pa ng homework.  Wala ng pahinga ang bata.

Nympha (Makati City)—Gusto ko pa rin ang may assignments ang anak ko kasi busy ako sa trabaho pag weekdays…then yun na lang ang bonding moments naming mag-ina at natututo din ako lalo na dun sa mga subjects na math at Physics…nakalimutan ko nay un eh.

Florante (Pasig City)—Hindi ako pabor sa ‘no assignment on weekends’ kasi halos nas internet na ang oras ng mga bata pag ganyang walang ginagawa sa weekends.  Hihingi ng pera para lang magka-internet.  Gusto ko may assignments sila.  Beside, pinag-a-advance reading ko mga anak ko kapag tapos ng gumawa ng assignments para lalong matuto.

Rex (Tondo, Manila)—Pabor ako na magbigay ng homework ang teachers pag weekends kasi para lalong matuto ang mga bata.  Hindi ba sabi ng ilang teachers na may mga estudyante na maikli lang ang ‘memory retention’ at agad na nakalilimutan ang pinag-aralan sa school.  Para matuto sila ng husto.

Norie (Paco, Manila)—Para makapagpahinga naman ang bata.  Grabe magbigay ng assignments dun sa school ng anak ko pag weekends.  Sayang naman yung mga oras na hindi na nila pwedeng balikan pa…ang paglalaro, pamamasyal.

Albert (Quezon City)—Gustong-gusto ko na may assignments mga anak ko para lalo silang matuto at madagdagan pa ang kanilang nalalaman. Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply