Pagdagdag sa badyet ng DSWD pinalagan

HINDI  matanggap ng isang senador ang mahigit 122 porsiyentong  pagtaas sa badyet ng Department of Social Welfare  and Development (DSWD) na mula sa dating P15.4 bilyon tungo sa P34.3 bilyon, ngunit tinapyasan naman ang ilang mahahalagang sektor sa pagsugpo ng kahirapan.

Sa pagtatapos ng pagdinig ng Senate committee on finance sa pamumuno ni Sen. Franklin Drilon, kuwestiyonable kay Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naturang pagtaas kabilang ang P21.2  bilyong pondo para sa Conditional Cash Transfer (CCT) mula sa dating P10 bilyon.

“Unang-una P20 billion ang pinag-uusapan. Malaking pera ito… When you are cutting in agriculture, when you are cutting in infrastructure and then this is going to be an increase,” ayon kay Marcos.

Matatandaang tinapyasan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo ng Department of Health, Department of Agriculture, at Department of Public Works and Highways, at ang hudikatura.

Mahalaga ang badyet sa kalusugan, agrikultura at impraestruktura upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa pagtupad ng Medium Development Goals (MDG) na itinakda ng United Nations.

“I find it worrisome,” ayon kay Marcos hinggil sa naturang pagtapyas.

Idinagdag pa ni Marcos na mahigpit na tututukan ng Senado ang pondo ng DSWD, partikular ang P21 bilyon para sa CCT kabilang ang sistemang gagamitin sa pangangalap ng datos sa indigent family at pamamahagi ng pondo.

Nilinaw naman ni Marcos na hindi tutol ang Senado sa konsepto ng CCT dahil malaki ang maitutulong ng sistema sa pagsugpo ng kahirapan sa bansa alinsunod sa pangako ng Pilipinas sa MDG kaya kailangan ang tulong ng local government units upang maisakatuparan ang programa. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply