Pampulitikang Ekonomiya ng Global Health

Esensyal na salik ng pag-unlad ang kalusugan ng mga mamamayan.  Hindi magiging produktibo ang ekonomya at maisasaayos ang sistema ng pamamahala (governance) kung sadlak sa karamdaman at ginupo ng kapansanan ang mga mamamayang bumubuo sa isang nasyon.  Ang mga sumusunod na tala ay mga isyung pangkalusugan na nakakonteksto sa pampulitikang ekonomya ng daigdig.  Ang pampulitikang ekonomya o political economy ay isang uri ng kritikal na pananaw na nagsusuri sa ugnayan ng politika at ekonomya, at ang epekto nito sa lipunan at mamamayan.

Ang artikulong ito ay katambal ng naunang nailathala noong Hulyo 29 na pinamagatang “Kalusugan sa Lipunang Pilipino”.

Climate Change and Health
Hindi maipagkakailang malaki ang pananagutan ng mga mauunlad na bansa (Global North o First World) sa dinaranas nating global climate change sa kasalukuyan.  Ang kanilang mga malalaking industriya simula nang nag-industriyalisa ang kanilang ekonomya hanggang sa kasalukuyan ay may malaking ambag sa kakaibang pagbabago-bago sa klima ng daigdig.

Hatid nito ay malalaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng marami.  Subalit mas kalunos-lunos ang sitwasyon ng mga mahihirap na mamamayan sa mga atrasadong bansa sa daigdig (Global South o Third world) dahil sa kakulangan ng kanilang kahandaan sa pagharap sa mga suliraning hatid nito.

Halimbawa, mas magkukulang ang tubig sa mga lugar na dati nang kapos ang suplay tulad ng mga bansa sa Sub-Saharan Africa (SSA).  Inaasahan ding labis na mapipinsala ang mga industriya sa sektor ng agrikultura tulad ng paghahayupan (livestock), manukan (poultry), sakahan (crop) at pangisdaan (fishery) kung saan malaking bilang ng mga mahihirap na bansa ay nakasandig.  Banta in ito sa seguridad sa pagkain (food security) ng mga mamamayan na magbubunga ng mas malalang kaso ng kagutuman lalo na sa hanay ng mga kabataan, kababaihan  t may edad.

Mas lalaganap ang mga karamdaman tulad ng skin cancer, respiratory ailment tulad ng asthma at mas magpapalala rin ito sa mga poverty-related disease tulad ng cholera, diarrhea, pneumonia at iba pa.

Debt Trap and Health
Tinatawag na HIPC o highly indebted poor countries ang mga bansang lubog sa pagkakautang sa mga mayayamang bansa at multilateral na pandaigdigang institusyong pananalapi.  Isa sa mga kondisyon ng kanilang pagpapautang sa mga mahihirap na bansa ay ang pagpapatupad ng mga pamahalaan nito ng  agbabawas ng pampublikong pondo para sa serbisyong panlipunan kagaya ng serbisyong pangkalusugan.

Ang layunin nito ay upang unti-unting ikomersyalisa ng gobyerno ang mga mga serbisyong panlipunan  nang sa gayon ay maibsan ang mga pampublikong gastusin para mas madali silang makabayad sa pagkakautang.

Sa Sub-Saharan Africa, halimbawa, maraming biktima ng HIV-AIDS ang napapabayaan dahil ang pondong dapat sanang inilaan sa kanila upang maibsan ang kanilang paghihirap at upang maging produktibo sa kabila ng kanilang karamdaman ay napupunta sa pagbabayad ng utang panlabas (foreign debt servicing).  Ayon sa mga kritikal na development scholar at specialist, ang paraan ng pagbabadyet na ito ay isang porma ng paglabag sa karapatang pantao dahil ipinagkakait nito sa mga mamamayan ang dapat nilang tinatamasa mula buwis na kanilang ibinabayad sa pamahalaan.

Migration and Health
Isa sa bawat 10 Pilipino ay nandarayuhan sa ibayong dagat.  Sila ay bulnerableng magkaroon ng iba’t ibang karamdamang pisikal at mental sanhi ng iba’t ibang bagay tulad ng hindi sapat na serbisyong pangkalusugan dahil sa diskriminasyon, kalungkutan bunga ng pagkawalay sa mga mahal sa buhay, pinsala hatid ng pagmamalupit ng employer, at iba pa.

Ayon sa International Organization for Migration, tinatayang mayroong 200 milyon sa kabuuan ang nandarahuyang mamamayan mula sa iba’t ibang nasyon sa buong daigdig.  90 milyon sa kanila, ayon sa International Labor organization, ay mga manggagawang migrante mula sa iba’t ibang lahi.  Marami sa kanila, lalo na yaong mula sa mahihirap na bansa, ay ilegal ang pandarayuhan kaya hindi nila natatamasa ang serbisyong panlipunang natatanggap ng iba.

Bunga ng kahirapan at kawalan ng sapat na oportunidad sa pinanggalingan bansa (country of origin), napipilitan ang mga migranteng manggagawa na pumasok sa mga trabaho na tinaguriang 3 D’s na ang ibig sabihin ay dangerous, dirty at demoralizing. Isang halimbawa nito ay  ng prostitusyon na mapanganib sa buhay, banta sa kalusugan at nakakainsulto sa kanilang pagkatao at pagkababae.

Kapansin-pansin na ang tatlong isyung natalakay ay ibinunga at pinapalala ng globalisasyon at ng sistemang panlipunan na di-makatarungan at neokolonyal. Samakatwid, ang anumang suliranin na pandaigdigan ang proporsyon ay kailangang lapatan din ng solusyon sa pandaigdigan antas.

Ang may akda ay kasalukuyang nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).  Para sa inyong reaksyon, maaaring mag-email sa jnponsaran@yahoo.com. John N. Ponsaran/Kontribyutor

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply