Panawagan kay PNoy at paalala kay DILG Sec. Robredo

PANAHON na marahil para pairalin ni idol President Noynoy Aquino ang kanyang
kamay na bakal laban sa jueteng, lotteng at iba pang uri ng illegal gambling.

Nasabi ko ito sapagka’t mistulang nililinlang na ng ating mga awtoridad si P-Noy
tungkol sa tunay na estado ng operasyon ng illegal gambling – partikular ang
jueteng — sa buong bansa.

Kahit saang probinsiya ka dumako ay may jueteng, lotteng o dili kaya’y
“suwertres.” Karaniwan nang pinansyer sa mga sugal na ito ay ‘yung mga datihan
ng gambling lords habang ang iba naman ay mismong mga pulitiko sa kani-kanilang
mga lugar.

Kahit sa Metro Manila ay laganap na rin ang jueteng at lotteng. Maging sa
palibot ng Malakanyang ay may kubransa ng jueteng at lotteng. Sana’y malaman
mismo ito ni P-Noy.

* * * * * * * *

Sa nangyayaring ngayon, mukhang pinaiikot na lang ng pamunuan ng Philippine
National Police si idol P-Noy tungkol sa isyu ng jueteng at ng iba pang
operasyon ng illegal gambling na ngayo’y unti-unti nang gumugumol sa maraming
kabataan lalo na dito sa Metro Manila.

Hindi malayong magkaroon tayo balang araw ng isang generasyon ng mga sugarol na
kabataan kung hindi kaagad kikilos si Pangulong Noynoy.

Simple lang naman ang kanyang gagawin  — ang balasahin ang pamunuan ng PNP!

* * * * * * * *

Nasabi ko ito sapagka’t wala naman makapagsasabing hindi kurap ang kasalukuyang
pamunuan ni PNP chief Jesus Versoza.

Sa katunayan, marami sa mga bataan niya ang mismong nasa likod ng jueteng,
lotteng at iba pang uri ng illegal gambling.

Simple lang naman ang tanong dito: Bakit hindi mapahinto ni General Versoza ang
jueteng at lotteng?

Hindi lamang ito. Ultimo sa usapin ng prostitusyon ay makikita mo rin ang anino
ng mga bataan niya.

Sadyang binuo ang grupong ito mula Camp Crame para sa isang misyon – ang
mangolekta kada lingguhan ng “tong-pats” mula sa mga operators kapalit ng
proteksyon.

Milyun-milyong pisong halaga ng “tong-pats” kada buwan ang napupunta sa Camp
Crame at Department of Interior and Local Government (DILG).  Kaya siguro
palaging may “PUNO” sa DILG!

Kung hindi ito totoong walang napupunta sa pamunuan ng PNP, simple lang naman
din ang tanong ko para kay General Versoza: Bakit hindi n’yo po mapahinto ang
jueteng at lotteng?

* * * * * * * *

Nitong mga nagdaang araw ay nakatanggap ako ng sunod-sunod na pagbabanta sa
aking buhay.

Iyon ay matapos kong isiwalat ang sinasabing kong mga kolektor ng “tong-pats” ng
PNP.

Kasama rin sa panawagan ko kay Pangulong Noynoy ang pagkakaroon ng imbestigasyon
hinggil sa bagay na ito.

Alam na, sir, ni Pareng Zaldy, kung sino-sino ang mga taong ito!

* * * * * * * *

Panawagan ko din kay Sec. Robredo na maglunsad po kayo ng imbestigasyon tungkol
sa alegasyon  na mismong ang tanggapan po ninyo ay protektor na rin ng jueteng
at lotteng.

‘Yan daw po ang dahilan kung bakit hindi n’yo kayang kontrolin ang PNP bagkus ay
nasa pangangasiwa ito ng inyong undersecretary!

* * * * * * * *

Nakapasyal na ba kayo sa loob ng Camp Crame at nakita ang mga bahay ng mga
opisyal sa loob ng nasabing kampo?

Magugulat kayo sa inyong makikita lalo na sa mga magagarang sasakyang nakaparada
sa tapat ng bahay ng mga opisyal na pabahay siyempre ng gobyerno at sagot ng
ibinabayad na buwis ng milyun-milyong Juan dela Cruz.

Di naman kataasan ang suweldo ng mga opisyal na ito pero magtataka kayo kung
saan sila kumukuha ng kakayanan para magkaroon ng ganong klaseng karangyaan sa
buhay.

Kahit sa mga parking area sa mga opisina sa loob ng kampo ay ganun din ang
inyong makikita. Ultimo P01 lang na pulis ay may magarbong kotse na.

Sana’y magkaroon ng isang ahensiya ng gobyerno na ang tanging layunin ay ang
patuloy na lifestyle check laban sa mga kurap na kawani’t opisyal ng ating
gobyerno.

Hindi naman kasi kayang mag-isa ng Office of the Ombudsman ang trabahong ito.

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento, suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail
lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply