Perhuwisyong langis at kuryente kinalilimutan

NATATALI ang mga onorabol sa tila wala nang katapusang kontrobersiya sa hosteyds masaker at larong lupa na jueteng.

Punumpuno ang utak nila sa paghahanap ng kung sino-sino ang maituturo at maidadamay nila sa kanilang kapalpakan, kainutilan, paghahanap ng puri at kasikatan at iba pang nakabubuwisit na gawa ng mga onorabol.

Halos hindi na nila maharap ang iba pang mga problema na pumeperhuwisyo sa lahat sa napakatagal nang panahon.

Kabilang dito, Suki, ang  ang mga problema sa elek-trisidad at produktong petrolyo.

oOo

Hindi pa ang magkasing-mahal na kuryente rito at sa Japan ang suliranin kundi ang halos kawalan na ni Juan ng kakayahan na balikatin ang presyo rito.

Lalo ngayong pinipilit na ng mga kompanya ng kuryente na gawing komersiyal reyt na ang lahat.

Ke magkandaloko-loko o hindi ang buhay ng kanilang mga kostumer, wala silang pakialam basta’t kumita sila.

Sinasamantala ng mga ito ang pananahimik o kawalan ng kakayahan na lumaban si Juan sa mga demanda laban sa kanilang pagsasamantala.

Itong langis o produktong  petrolyo  ay  nagigingsumpa na rin sa lahat.

Hindi na lang ang mga drayber ng traysikel, dyipni, taxi at bus ang umaangal kundi ang mga negosyante.

Sabi nila, itong mga kompanya ng langis na lang ang binubuhay nila, kabilang na ang pamahalaan na mas gusto pang mataas ang presyo rito para mas mataas ang expanded value added tax na masisingil nito.

Lugi na ang pamamasada, lugi pa ang negosyo.

oOo

Ngayon naman ay lumilitaw na napakayaman ang repablik ni Juan ng pamalit sa mahal na panggatong ng mga planta ng kuryente at pina-kagasolina  ng  mga  sasakyan.

Wataymen, bukod sa natural  gas na  minimina ng Shell sa Malampaya, Palawan, meron na ring nadiskubre na bagong minahan ng natural gas at langis malapit sa Malampaya.

Higit na mas malaki ang huling minahan na nadiskubre ng kompanyang Nido petroleum kaysa sa Malampaya at deka-dekadang pagmumulan ito ng pampaandar ng mga planta ng kuryente at sasakyan kahit pa sa buong repablik ni Juan.

Mula rito, dapat na pagsumikapan ng mga onorabol na isipin kung paano gamitin ang mga likas na yamang ito para sa kapakanan ng bayan.

Kung magaganap lang ito, makaiisip din si Juan ng mga proyektong ikauunlad hindi lang ng kanyang sarili kund ng iba at pamahalaan na rin.

Kailan palalaganapin ng mga onorabol ang natural gas na P14 lang sa isang litro para lumaya tayo sa sobrang mahal na mga  kuryente at petrolyo?

Kailan kikilos ang mga ito pabor kay Juan at hindi lang para sa kanilang mga sarili at mga kompanya ng kuryente at langis? Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply