Pinas kulelat sa pagsandal kay Uncle Sam

NASA kina Uncle Sam ngayon si PNoy.

Hakot-hakot niya ang mga de kalibreng negosyante sa pagpunta roon.

Mining tu sey, Suki,  pababanguhin nina PNoy ang relasyong pulitika at negosyo sa pagitan nina Uncle Sam at ni Juan.

Isang tanong: may maitutulong ba si Uncle Sam sa pag-unlad ng repablik ni Juan mula sa pagiging kulelat sa Association of Southeast Asian Nations?

Maalaalang sinasabi ng mga bangkong Asian Development Bank, International Monetary Fund at World Bank na mangungulelat sa  ekonomiya ang Pinas kumpara sa siyam na ibang bansa na kasapi ng Asean sa susunod na taon.

Ang masama pa, sa halip na umunlad, liliit ng halagang mahigit sa P400 bilyon, ayon sa tatlong bangko.

Akmang-akma ito sa naririnig natin na sa susunod na taon ay mangungutang ang gobyerno ni PNoy ng humigit kumulang sa P300B para mapunan ang pagkukulang sa pambansang badyet.

Pero tatandaan, yang kakulangan ay dahil umano sa maliit na kita ng gobyerno kumpara sa malaking gastusin nito. Eh kung ihalo rito ang dinadaldal ng mga bangko, ano ang mangyayari?

oOo

Siguro magandang pag-aralan ang ginagawa ng ibang mga bansa kung bakit umuunlad sila at kung bakit hindi sila nangungulelat kundi nangungunang bansa sa ASEAN.

Kabilang sa mga nakikita natin ay ang hindi gaanong pagsandal ng Vietnam, Malaysia, Singapore at Thailand  kay Uncle Sam at tumitindig sila sa sarili nilang paa.

100 taon na tayong nakasandal kay Uncle Sam  pero kapag bumitiw ito kahit konti, nabubuwal tayo.

Halos nasa kay Uncle Sam ang lahat ng mga mahahalagang negosyo sa repablik ni Juan mula sa bangko, sasakyan, eroplano, gasolina, armas, pagkain at iba pa.

Lahat yata na sumandal at nagpaubaya ng lahat kay Uncle Sam ay hindi umuunlad.

Kung tumindig din kaya tayo sa sarili nating mga paa gaya ng ginagawa ng mga mauunlad at matatatag na mga bansa sa Asean?

Isa pa, dapat na mabilis ang pagdurog natin sa mga kawatan sa pamahalaan, lalo na ang mga buwaya sa Palasyo, Kongreso, atbp.

Mula noon hanggang ngayon, naglipana ang mga buwaya sa pamahalaan.

Ang ginagawa ng mga buwayang ito, kung sila ang nakaupo sa pamahalaan, ay lamunin ang mga pondo ng gobyerno.

Ito ang karaniwang reklamo ng mga bagong meyor at gobernador.

Todo rin ang reklamo ni P-Noy ukol dito dahil pati ang pondo sa kalamidad ay kakatiting na lang ang natira makaraang umalis si Gloripie sa Palasyo.

Kung mananatili tayong nakatali ang ilong kay Uncle Sam na parang kalabaw at mananatiling pinaghaharian ng mga korap at mandarambong, mangungulelat nga lagi tayo.

Eh ang mga negosyante,?

Sila lang ang umuunlad! Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply