Puhunang $2.8B at grant na $434M laway pa lang

MAGANDA na ring balita na nakakalap si P-Noy ng tulong mula kina Uncle Sam.

Sabi mismo ni PNoy, may bigay si Uncle Sam na $434 milyon bilang panlaban sa kahirapan ni Juan.

Meron naman umanong tatlong kompanya na nangakong mamumuhunan dito ng halagang $2.8 bilyon.

Sa kabila nito, ang totoo ay wala pang kahit kusing sa mga malalaking halagang ito ang nabitbit ni PNoy sa kanyang pag-uwi.

Laway pa lang ang lahat ng ito.

Mananatili pa ring kumakalam ang sikmura ni Juan at mananatili rin siyang istambay sa kawalan ng trabaho.

Isa pa, ang mga bagay na ito ay madaling iatras.

Anong malay nga natin sa mga usapan nina P-Noy at Barack Obama, huh?

Karaniwang may tali ang mga bigay at karaniwang iniiwasan naman ang repablik ni Juan ng mga negosyante sa dami ng mga korap dito.

Kaya ang magandang gawin ay huwag munang magsaya at umasa ang lahat.

oOo

Kung iisipin, malaking halaga na rin ang $434M dahil nasa P20B ito at ang $2.8B ay mahigit sa P100B.

Malaki ang maitutulong ng mga bagay na ito sa pagpigil sa kumakalam na sikmura ni Juan at paghahanap niya ng trabaho.

Pero paano ba gagastusin ang halagang P20B na bigay, huh? Kung idadaan ito sa proyekto, gud rekord na kung makararating kay Juan ang P10 bilyon mula sa P20 bilyon.

Alalahaning mahigit kalahati rito ang tongpats, batay na rin sa karanasan bago at makaraang lumayas si Gloripie sa Malakanyang.

Bago naman makapagtayo ng kahit isang poste ng pabrika ang mga namumuhunan, katakot-takot din na tongpats ang dinadanas nila.

Ang pagkuha ng lisensiya, permit, prangkisa at iba ay paiyakan din.

Saka lang walang trapik sa mga ito kung maglagay ang mga negosyante sa mga may kapangyarihang pipirma sa mga ito.

Kaya nga lumalayas ang mga negosyante at pumupunta na lang sila sa Thailand, China, Vietnam atbp.

Hindi sila bilib sa mga lahi ni Juan na marunong ngang mag-Ingles pero sagad naman sa buto ang kakorapan.

oOo

Isa pa, sakaling andito na ang mga halagang yan, makatitiyak ba tayo na makikinabang talaga si Juan?

Nagtatanong tayo, Suki, batay sa karanasan natin sa mga buwayang korap.

Kapag may malalaking perang nakikita ang mga korap, nadedemonyo agad sila at gumagawa sila ng milagro para mapasakamay nila ang halaga.

Katwiran naman ng mga animal na ito, wala nang korapsyon dahil idinaraan na ang lahat sa pablik biding at elektronik pa.

Pero kung makasilip ka ng mga proyekto at sasali ka sa pasubasta, magtataka kung bakit malakas ang kaba mong parang tapos na ang lahat bago pa ang pasubasta.

O, PNoy, dapat mong seryosohin ang pagbaligtad ng bandila laban sa mga korap. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply