Robredo, iba pang opisyal igigisa sa jueteng

TINIYAK ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee na ipatatawag ng Senado sa susunod na linggo ang tatlong matataas na opisyal ng Aquino Administration upang magbigay linaw sa akusasyon ng isang arsobispo na nabuhay ang jueteng sa kasalukuyang pamahalaan.

Sa panayam, sinabi ni Blue Ribbon Committee chairman Sen. Teofisto “TG” Guingona Jr., na “igigisa” ng Senado sina Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo,  DILG Undersecretary Rico Puno at bagong PNP chief Deputy Director General Raul Bacalzo.

Nais naman ni Sen. Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr., na ipatawag din si Archbishop Oscar Cruz upang magbigay linaw sa kanyang pagbubulgar na may ilang malalapit na kaalyado at opisyal ni Pangulong Aquino ang nasasangkot sa operasyon ng jueteng.

“Unang ipapatawag natin si Sec. Robledo, Usec Puno, Archbishop Cruz at iyong pulis,” ayon kay Guingona.

Nitong nakaraang Lunes, naghain ng magkahiwalay na resolusyon sina Guingona at Sen. Miriam Defensor Santiago na imbestigahan ng Senado ang pagbubulgar ni Cruz sa pagkabuhay ng operasyon ng jueteng sa bansa.

“Unang-una, dahil may resolusyon at may mga pangalan na nabanggit, lahat ng mga nabanggit ay tatawagin natin at itatanong natin kung ano ba ang kinalaman nya dito. Lalo na ang superstar dito na si Archbishop Cruz sapagkat lahat ng ito nangyari dahil sa kanya,”  wika ni Guingona.

Bukod sa  naturang personalidad, nakatakdang ipatawag din ng Senado ang operator ng small town lottery kabilang ang ahensiyang namamahala dito upang matukoy kung ano ang depekto ng STL, at palaging nabubuhay ang jueteng.

Kapwa tumanggi pansamantala sina Guingona at Marcos na ipatawag ang sinasabing apat na gobernador sa Luzon na sangkot sa jueteng dahil  wala pang malinaw na ebidensiyang magsasangkot  sila sa illegal number games.  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply