Robredo dapat kasama sa IIRC report

“Siya po at si DOJ Secretary Leila de Lima.”

Ito ang tahasang sagot  ni Manila Vice Mayor Isko Moreno sa aking tanong sa pamamagitan ng tawag sa telepono kung ang tinutukoy niyang dapat na nakasama sa mga dapat managot kaugnay sa kapalpakan ng madugong hostage taking sa Qurino Grandstand noong Agosto 23, 2010, ay si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, na nagtapos sa pagkamatay ng walong Chinese nationals at  hostage taker na si P/Inspector Rolando Mendoza.

Ito ay matapos na ilabas ang Incident Investigation and Review Committee Report na kinabibilangan nina Manila Mayor Alfredo Lim at VM Moreno kasama ang 10 iba pa na inirekomendang kasuhan.

Sa naunang press conference sa Bulwagan ng Manila City Hall,  isang araw matapos na ibaba ang IRRC report, hindi binanggit ng bise alkalde ang pangalan nina Robredo at de Lima nang tanungin ng GMA news reporter “kung si Robredo nga ang tinutukoy nito na dapat kasama o maunang makasuhan sa halip na ang mga taong binanggit sa IIRC report.”

Aniya, hindi patas ang laban dahil kung sino yung dapat na kasama sa iimbestigahan, siya pa ang nag-imbestiga.

“Alam niyo na yun kung sino yun.  Kung sino yung iniisip ninyo, siya na yun,” tugon ni VM Moreno.

Ilang minuto matapos na maipadala ang aking text message sa kaniya kahapon at nagpakilala, nag-return call ang bise alkalde at tiniyak na si Robredo nga ang kaniyang tinutukoy kasama na rin si DOJ secretary.

Naniniwala si Moreno na may mas malaking responsibilidad si Robredo na hindi niya ginampanan sa panahon ng hostage crisis at hindi rin dapat itong nagi-imbestiga bagkus ay siya ang dapat iniimbestigahan dahil sa kapabayaan.

Dapat ay nasa crime scene si Robredo dahil ang problema ay may kaugnayan sa justice system ng bansa at maging sa actual police operation na nasa ilalim naman ng hurisdiksiyon ng DILG.

Magugunita na sinabi din ni Zambales Representative Rep. Mitos Magsaysay na dapat managot mismo si Robredo  sa alinmang aksiyon at desisyon nina Manila Mayor Fred Lim at Vice Mayor Moreno dahil nasa ilalim ito ng kanyang superbisyon.

“National crisis na rin kasi yan, kaya dapat na kasama sa may responsibilidad dito sina Robredo at De Lima, dapat ay kasama sila sa iniimbestigahan imbes na sila ang nagi-imbestiga,” dagdag ni Moreno.

Samantala, hindi na napigilan ni Mayor Lim na maluha sa naturang presscon bilang reaksyon nito sa pagkakasama ng kaniyang pangalan at ni Moreno sa mga kakasuhan sa nasabing IIRC report.

Gaya ng isang ama sa pamilya, labis na nasaktan si Lim sa pagkakadamay ng kaniyang bise-alkalde sa mga kakasuhan samantalang ginawa lamang nito ang kaniyang magagawa sa pag-asang maisalba pa ang buhay ng mga bihag ni Mendoza.

“Ako na lang ang idemanda.  Pakiusap ko na huwag isama si VM Isko Moreno dahil wala siyang kasalanan,” panawagan ni Lim sa mga kinauukulan, bilang ama ng Lungsod.

Bilang itinuturing na anak at bise-alkalde na nanindigan at umiidolo sa kaniyang ama, kumpiyansa si Moreno na magsasama silang dalawa sa hirap at ginahawa.

“Handa rin akong magpakulong.  Magsama na lang kami.  Bahala na…talagang ganyan,” tugon pa ni Moreno.

Bilang isang miyembro sa hanay ng kapulisan, naging emosyunal din ang alkalde sa tila labis na pagmamaliit sa kakayanan ng law enforcers sa nakalipas na hostage taking.  Aminado naman siya na may pagkukulang ang mga ito.

“Pulis lang ang nagpapakamatay, and yet…sige kung walang pulis na magreresponde dito ngayon kung sakaling ma-hostage kayong lahat dito, ano ang mangyayari?  Ang pulis pag labas pa lang sa bahay, nasa hukay na ang kabilang paa,” ‘high pitch’ na tinig ni Lim.

Muling iginiit nito na hindi niya inabandona ang kaniyang pwesto noong araw ng hostage taking dahil ilang metro lamang ang layo nito sa Emerald Restaurant  na pinagyarihan ng insidente sa Maynila.

Nagkataon lamang na nangyari ang barilan noong oras na iyon. Linda Bohol

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply