Robredo, Puno sabay sibakin sa DILG

PINAYUHAN si Pangulong Aquino ng “Pamilyang DILG” (Department of the Interior and Local Government) na magkasabay sibakin sina Secretary Jesse  Robredo at Undersecretary Rico Puno dahil garapalang nag-aaway sa loob ng departamento.

Ayon sa “Pamilyang DILG” na tumangging magpakilala, lantaran ang giyera-patani nina Robredo at Puno kaya’t palpak ang operasyon ng naturang departamento.

Ibinunyag ng mga ito ang kaduda-dudang paglalabas ng memorandum ni Robredo na nag-uutos sa hepe ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) at Bureau of  Fire Protection (BFP) na tuwirang mag-report sa kanya.

Sinasabing layunin nito na idiskaril ang impluwensiya ni Puno sa BJMP at BFP at tuwirang mabawi ni Robredo ang loyalty ng kanyang mga tauhan.

Ang pag-aaway umano ni Robredo at Puno ay isa sa dahilan kung bakit pumalpak ang negosasyon sa hostage taker na pumatay ng walong turistang Tsino.

Naniniwala ang ilang sector na sakaling sibakin ni Pangulong Aquino  ang dalawang pinakamataas na opisyal ng DILG, makukuha nito ang respeto ng mga Hong Kong authorities at maibabalik sa normal ang ugnayan ng China at Pilipinas.

Binabatikos din ng grupo si Robredo dahil sa patuloy na pagtakas nito sa responsibilidad na panagutan ang palpak na resulta sa hostage taking sa Luneta.

Kinukutya rin si Robredo ng ilang kritiko dahil hindi nito maipakita ang kanyang kakayahan na maiayos ang  Kagawaran sa kabila ng ipinagmamalaki nitong nakamit na pagkilala sa ilang award-giving bodies sa larangan ng serbisyo publiko. RT Reportorial Team

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply