RP oversupply sa nursing – DOLE

INAMIN  ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Senate committee on finance na mayroon nang oversupply ng nursing sa bansa dahil wala nang nakukuhang trabaho sa abroad.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng badyet ng DOLE, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na nagkakaroon na ng mismatch sa labor market dahil napupunta sa ibang industriya tulad ng call centers ang mga nagtapos ng nursing.

“Talagang over-supply na tayo sa nursing. Signals has been sent here and abroad,” ayon kay Baldoz.

“Ito na ang mismatch na sinasabi natin…kinakalap ang mga nagsisipagtapos ng nursing, hindi na kanilang industriya kundi ng ibang sektor tulad ng call centers,” dagdag ng kalihim.

Pangunahin umano ngayon na kailangan ng labor market ang nagsipagtapos ng mechanical engineering at iba pang kasanayan tulad ng karpintero, welder para sa manufacturing sector, at kasanayan bilang technical support services at business process outsourcing (BPO).

Bagama’t walang bilang na binanggit si Baldoz kung ilan ang sobrang suplay ng nagsipagtapos ng nursing, kasalukuyan umanong binubuhay ng ahensiya ang job mapping upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa partikular na uri ng kurso at kasanayan na kailangan ng ekonomiya sa susunod na 5-10 taon.

“Nagkaroon ng massive consultation noong 2006 at 2008 hinggil sa human resources kaya’t nakatakda nang ipatupad ang job mapping upang makatulong sa labor industriya na kailangan ng ekonomiya,” ayon kay Baldoz. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply