Senado hati sa gag order

NAGKAKAINITAN  ngayon ang mayorya at minorya ng Senado hinggil sa pag-atras ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa madugong hostage drama noong nakaraang linggo sa Quirino Grandstand.

Nakikita ng ilang oposisyon na tila nadadamay ang Senado sa ipinalabas na gag order ni Justice Secretary Leila De Lima kaya’t itinigil ng naturang komite ang imbestigasyon sa likod ng madugong hostage drama.

Ayon kay Sen. Joker Arroyo, miyembro ng minorya, hindi dapat iwanan o ibasura ng Kongreso ang kanyang responsibilidad na magsagawa nang hiwalay, malayang imbestigasyon dahil may tungkulin ng institusiyon na magsagawa ng anumang uri ng pagsusuri.

“Dapat magpatuloy ang imbestigasyon ng Senado sa malagim na hostage drama kahit man lamang sa aspeto na naging papel ng media, partikular ang broadcast media sa isang krisis na sitwasyon,” ayon kay Arroyo.

Sinalungat pa ni Minority Leader Sen. Alan Peter Cayetano ang manipestasyon ni Sen. Gregorio Honasan na ipagpapatuloy ang imbestigasyon pagkatapos makumpleto ang kinakalap na impormasyon ng Sangay ng Ekhekutibo hinggil sa naturang insidente.

“Gusto ng ating mamamayan na malaman kung ano ang nangyari at ano ang dapat gagawin upang hindi na maulit pa ang pangyayari. Kung mangyayari ba ngayon ang hostage taking, nakahanda na ba ang Special Action Force (SAF) ng PNP. Natukoy na ba natin kung sino ang mangunguna sa pamamahala ng krisis, ang local chief executive ba, o ang hepe ng pulisya,” ayon kay Cayetano.

“Lahat nang tanong na ito nakalutang sa kaisipan ng ating mamamayan na dapat masagot sa pagpapatuloy ng imbestigasyon,” dagdag ni Cayetano.

“Pumayag nga ako na ipagpaliban dahil nakadadagdag lang tayo sa emosyon ng publiko. Pagginamit yan, we could just end up to contributing to the downfall of the country by criticizing each other,” giit naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply