Senado naalarma sa pang-aabuso sa OFWs

KINALAMPAG  ni Sen. Manny Villar ang kasamahan sa Senado na gumawa kaagad ng kaukulang hakbang upang maprotektahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos tumaas ang bilang ng insidente ng pang-aabuso sa mga Pinoy na nagtatrabaho  sa abroad.

Partikular na tinukoy ni Villar ang huling insidente ng pang-aabuso sa isang Pinay domestic helper na hinihinalang pinatay  sa saksak at pinainom ng asido sa Saudi Arabia.

Sa kanyang Senate Resolution No. 191, hiniling ni Villar sa Senate committee on Labor and Employment, at Foreign Relations, na imbestigahan ang prosesong sinusunod ng mga Diplomatic Posts at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa pagtulong sa mga nagigipit na OFWs.

Inihain ni Villar ang resolusyon matapos  maiulat ang hinihinalang pagpatay sa Pinay OFW na si Romilyn Eroy-Ibanez, 22, na tubong North Cotabato, na natagpuang tadtad ng saksak at sinabuyan ng asido sa katawan sa bahay ng kanyang amo sa Saudi Arabia.

Lumitaw na noong lamang Mayo 31 lumipad patungong KSA si Eroy-Ibanez para mamasukang “nursing aide,” ngunit kasambahay ang binagsakan nitong trabaho pagdating sa nasabing bansa.

Maliban sa kaso ni Eroy-Ibanez, nais ding malaman ni Villar ang sistema ng pagtugon ng mga embahada at konsulado sa problema ng mga OFW sa Middle East, lalo na ang mga nasa Saudi Arabia na nais umuwi na sa Pilipinas.

Sa kabila ng mga ulat ng pagdami ng kaso ng pagmaltrato sa OFWs, at malaking bilang ng mga nais umuwi na sa Pilipinas, inihayag naman ng DFA ang halos 40 porsiyentong kaltas na ginawa sa kanilang badget sa 2011 na nakaapekto ng malaki sa pondong inilalaan nila sa pagbibigay ng legal na tulong sa OFWs.  Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply