Senate probe vs jueteng kinansela

KINANSELA ni Blue Ribbon Committee chairman Teofisto Guingona III ang ikalawang imbestigasyon sana ngayong araw hinggil sa jueteng payola kung saan ilang opisyal sa pamahalaan ang umano’y tumatanggap ng milyong payola.

Ayon kay Guingona ito’y dahil hindi umano makadadalo ang ilang resource person lalo na si Interior and Local Government Secretary Jessie Robredo dahil sa “conflict of schedule” sa halip, muling itinakda sa araw ng Huwebes ang naturang pagdinig.

Nabatid na sa unang pagdinig sa Senado, nakaladkad ang pangalan nina DILG Undersecretary Rico Puno at dating PNP chief Jesus Verzosa na umano’y mga pinakamataas na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa jueteng payola.

Sa naging ulat na puputulin na nito ang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na jueteng payola, agad bumuwelta si Guingona na hindi nito puputulin ang pagdinig sa halip ay hindi na ito patatagalin.

Nais lang umano ng senador na matapos nang maaga ang kanyang pagdinig para makagawa agad ng committee report at makapagsulong ng panukalang-batas kung kinakailangan.

Nilinaw ni Guingona na hindi lahat na pinangalanan sa expose sa Senado ay iimbitahin dahil kung gagawin ito, maaring magiging walang katapusan ang kanilang pagdinig.

Samantala, sinabi ni Senador Miriam Defensor Santiago na dapat pag-aralan ng Malacanang ang panukalang gawing legal ang jueteng sa bansa, sa halip na imbestigahan lamang ang jueteng operators, gobernador at mga alkalde.

Kasabay nito, sinabi ng senador na na i-post na lang sa kanyang facebook ang pananakot at pagbabanta sa kanyang buhay at huwag itong idaan sa pagtawag sa telepono sa opisina niya.

Ayon sa senadora, nakatanggap ang kanyang mga staff na sina Sandy Schala (Exec. Asst) at Matilde Fuentes (administrative head) ng tawag sa telepono na nagbabanta sa kanyang buhay.

Dagdag pa ni Santiago, nag-iwan pa umano ng mensahe para sa kanya ang nasabing caller, na maghinay-hinay siya sa pagdawit ng mga pangalan ng mga jueteng operator at mga miyembro ng Philippine National Police na tumanggap ng payola. Vicky Cervales

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply