Singkaban Festival 2010

“BULAKENYOS, Bulakenyas lider ng bansa…Bulakenyo  rin ako!”

Ito ang mensahe ng talumpati ni Sen.  Ferdinand “Bongbong” Macos Jr. bilang panauhing pandangal sa taunang Singkaban fiesta sa selebrasyon ng Linggo ng Bulakan sa kapitolyo ng Malolos, Bulacan.

Ang Singkaban ay ang sining at kalinangan ng Bulacan na itinatampok ang kasaysayan, pagbabahagi ng ispiritu ng kabayanihan, turismo, mga orihinal na likhang putahe o pagkain na tiyak babalik-balikan ng mga turista local man o mga banyaga.

Ikinatuwa ng mga taga-Bulacan na ibunyag ni  Marcos na ang ika-24 na bayan ng Bulacan na DRT ay hinango sa pangalan ng kanyang lola na si  Donya Remedios Trinidad na ina ng kanyang nanay na ngayon ay kongresista ng ilocos norte na si Rep. Imelda Marcos.

Lalong nasorpresa ang mga kapwa Bulakenyo nang sabihin nito na nilagdaan ng kanyang ama na si Ferdinand Marcos ang presidential decree na lumilikha sa DRT town sa petsa mismo ng kanyang kaarawan noong Setyembre 13, 1977.

Naniniwala si Marcos na hindi lang lupa ng mga bayani, makata at makikisig na lalaki at maalindog  na kadalagahan ang bulacan bagkus ay lalawigan ito ng mga masisipag, masisinop at matitiyagang
Bulakenyo.

Nilinaw ni Marcos ang tone-toneladang produktong agrikultura na isinusuplay sa metromanila ay  nagmumula sa lalawigan particular ang bigas, gulay at karne kaya’t nanatiling lider ng mga lalawigan ang Bulacan at bantog din sa buong mundo.

Pinakamalaking ambag kasi ng  lalawigan ang Malolos Republic na ginagamit na modelo ng mga demokratikong bansa sa buong Asia.

“It is a festivity with a heart.”  hindi lamang ito simpleng pagkilala sa mga babae at lalaki na nasa likod ng tagumpay na pagdiriwang ng singkaban.

“Lalawigan ko’y ikaw, kasaysayan mo’y iingatan, serbisyo publiko’y makakamtan”, ang tema ng pagdiriwang ngayong taon, tampok ang pagkilala sa kababaihan at kalalakihan sa likod ng tagumpay ng lalawigan.

Ayon kay Gov. Wilhelmino M-Sy Alvarado, tampok sa pagdiriwang ang pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga Bulakenyo, pagbibigay ng gawad sa mga natatanging lingkod barangay, natatanging
volunteer group, lingkod lingap sa nayon at natatanging gawaing pambarangay.

Kasabay sa pagdiriwang ang paggunita sa ika-112 anibersaryo ng Malolos congress sa makasaysayang Barasoin church at ang hapag Bulakenya.  Ito ay kinatatampukan ng mga natatanging paboritong pagkain at mga espesyal na putahe ng mga bayani.

Linggo ng Bulakan , Singkaban fiesta, Malolos, Bulacan
Setyembre 8-15, 2010
(Talumpati ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.)

Maraming salamat, sa ating tagapagpakilala…sa ating masipag na gobernador ng lalawigan ng Bulacan Gov. Willy M. Sy- Alvarado….sa ating makisig na Bise Gobernador  Vice Gov. Daniel R. Fernando, sa lahat ng mga opisyales at empleado ng provincial governments, at mga minamahal nating mga kapwa-Bulakenyos…magandang magandang umaga po.

Sa totoo lang po, ang inyong abang-lingkod , tulad din po ninyo…ay may dugong Bulakenyo.

Ang ikadalawamput-apat (24) na bayan po ng lalawigan ng Bulacan na munisipalidad na “d.r.t”—ay hinango po sa pangalan ng aking lola.

…Siya po si Donya Remedios Trinidad na ina ng aking nanay at ngayon po ay Kongresista ng Ilocos Norte na si Rep. Imelda R. Marcos.

Purong Bulakenya po aking  lola na tubong Baliwag, Bulacan,… kaya’t sa ngalan ng aming buong pamilya, ipinaabot po namin ang taos pusong pagbati sa taunang pagdiriwang na ito ng  Linggo ng
Bulakan… kung saan kasama kami sa natutuwa at nagdiriwang sa araw na ito.

Alam po ba ninyo na nilagdaan ng aking ama ,… si Presidente Ferdinand E. Marcos ang Presidential decree no. 1196…. na lumilikha sa munisipalidad ng Donya Remedios Trinidad—sa mismong petsa ng aking kaarawan—noon pong Setyembre Trese  (13) mil-nuwebe-siyentos-sitenta’y-siyete (setyembre 13, 1977).

Kumbaga po, personal ko pong nararamdaman…. ang pagiging Bulakenyo sa tuwing ako ay magdiriwang ng birthday ko, walang duda—kasama ko palagi ang mga kapwa ko bulakenyo……at siyempre,… sa pagdiriwang ng linggo ng Bulakan—sa ayaw at sa gusto ninyo—bahagi din ako ng pagdiriwang na ito nasaan mang akong lugar sa mundo.

Malawak na bahagi po ng angat watershed reservation kung saan nagmumula ang bulto ng tubig na sinusuplay sa kamaynilaan  at gitnang Luzon—ay sakop at nagmumula mo sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.

Sa ilalim po ng p11 –billion bulk water supply project na magsusuplay ng tubig sa halos lahat ng bayan ng lalawigan ay magmumula po sa bayan ng DRT.

Maging ang makasaysayang Biak na Bato National Park ay sakop din ng munisipalidad ng DRT…kaya’t nakatutuwang sabihin na ang aking lola—ay mahihirap nang malimutan ng mga kapwa nating Bulakenyo.

Nabuo rin sa Biak na Bato ang isang republika …at isang konstitusyong naging pundasyon ng saligang batas na nabuo sa Malolos.

Bukod dito, naging madugo rin ang Battle of Kakarong kung saan ginamit na kalasag ng ating mga katipunero ay mga bolo, itak at kapirasong patpat ng kawayan na tinatawag na arnis.

Kung ang lalawigan ng Bulakan ay  saksi sa madugong himagsikan laban sa mga mananakop—ang lalawigan din ito ay saksi sa unang pagtatangka ng wagas na kapayapaan.

Alam po nating lahat ang kahalagahan ng pact of Biak na Bato… na isang kasunduan ng kapayapaan… sa unang bahagi ng kasaysayan.

Kung gayon,… ang Bulakenyo ay hindi lamang kilala sa pagiging matapang… bagkus bantog din tayo sa pagmamahal sa kapayapaan.

Hindi natin dapat isa-isahin pa ang mga dakilang bayani sa ating lalawigan tulad nina Marcelo del Pilar, Gregorio del Pilar, Mariano Ponce at mas nauna pang makata na si Gat Francisco “Balagtas”
Baltazar.

Ang libo-libong katipunero at mga makabayan sa Bulacan ay bahagi na ng ating kasaysayan.

Naniniwala ang mga historyador na nagsilbing inspirasyon ng mga bayani  sa iba pang lugar sa ating bansa ang mga sinulat na literatura ni Balagtas kung saan naipreserba din nito ang wikang Filipino na ibinase sa wikang tagalog.

Ang wika ay  kaluluwa ng isang bansa at ang Bulakan ay hindi lang  tirahan ng mga bayani kundi ito ang nagsilbing duyan at sentro ng kaluluwa ng ating bansa.

Umaakto ngayon ang Bulakan …hindi lamang sentro ng kasaysayan at kultura… bagkus ay gumaganap ito ng mahalagang  papel …bilang pundasyon ng pag-unlad ng bansa.

Bukod sa makikisig na kalalakihan at maaalindog na mga kadalagahan,… nabibiyaan din ang Bulakan ng mga likas na yaman na wala ang ibang lalawigan.

Kilala ang mga Bulakenyo sa kasipagan at masinop sa kabuhayan kaya’t hinango rin ang pangalan ng bulakan…. sa puno ng “bulak” na simbolo ng malinis at busilak na kalooban… na maglingkod sa bayan… at sa dakilang manlilikha.

Pinakamalaking kontribusyon ng ating lalawigan sa kasaysayan ay ang malolos republic kung saan dito rin binuo ang kauna-unahang saligang batas na naging modelo ng iba bansa sa pagtatag na demokrasya sa kani-kanilang teritoryo.

Sa panahon ng kapayapaan at modernisasyon, nananatiling tinitingala  ang ating lalawigan, hindi lang sa ating bansa …kundi sa buong mundo.

Ang mga agrikulturang produkto na isinusuplay sa metromanila ay bunga rin ng kasipagan ng mga taga-bulakan—….tulad ng mga karne, itlog at mga gulay.

Ang bigas na dinadala sa kamaynilaan… ay halos nakaimbak lahat at hinahango mula sa mahigit isang libong (1,000) bodega at rice milll sa mga bayan ng Bocaue at Balagtas.

Hindi natin matatawaran ang kadakilaan ng lalawigan ng Bulakan dahil nakapag-aambag ito sa malusog na kalakalan sa ating bansa.

Kung itinuturing na bayani ang ating mga ninuno, nananatili pa ring bayani ang mga nabubuhay na bulakenyo sa panahong ito dahil ang produksiyon ng pagkain ay nagmumula sa pawis at dugo ng mga Bulakenyo.

Sa modernisasyon at teknolohiya, halinang ipagpatuloy natin ang pagiging lider ng mga bulakenyo at bulakenya ngayon at sa hinaharap— dahil dito,…itinuturing ko pong isang malaking karangalan, tulad ninyo ang pagiging dugong Bulakenyo.

Magandang hapon at marami pong salamat!!!! LINDA BOHOL

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply