Sino ang may ngipin na magdesisyon ng tama!

Ang sabi ni Senator Joker Arroyo para daw Student Council ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino. Amateurish at parang walang alam na lahat ng aksyon ay subok-subok muna at pasensya na kung magkamali ng desisyon. Insulto yun galing kay Senator Arroyo.

Pero kung tutuusin baka mainsulto pa ang mga Student Councils sa sinabi ni Arroyo dahil maraming Student Councils ang matatag ang poltical will at mas may kakayahang mag-handle ng political crisis gaya ng pinagdadaanan ng gobyernong Aquino.

Dahil mga estudyante, idealistic ang mga pinuno ng karamihan ng Student Councils.  At para lang ma-emphasize ang ibig sabihin ng “idealistic,” sa kaso ni Secretary Jesse Robredo at UnderSecretary Rico Puno, kung mga estudyante sila, baka nag-resign na agad maiwasan na lang ang tuloy-tuloy pang pagkapahiya ng kanilang Pangulo.

Zero ang corruption sa Student Council, walang nahahalal o nailalagay sa pwesto sa pamamagitan ng pagbili ng boto o kaya ay dahil malapit na kaibigan o kamag-anak ng Pinuno. At alam nila at malinaw sa kanila ang kanilang term-limits at kumpyansa ang kanilang mga constituents na alam nila ang kanilang mga responsibilidad dahil totoo at tapat nilang kinakatawan ang mga bumoto sa kanila.

Kung ikukumpara sa isang matikas at magaling na Student Council, baka di pa pumasa ang mga bata ni Aquino sa pinakikita nilang performance? Halimbawa, si Secretary Ricky Carandang, sa harap mismo ng Committee hearing sa Congress inamin na noong nagre-report siya sa Pangulong Aquino sa pamamagitan ng text tungkol sa isang mahalagang bagay ay hindi natanggap ni Aquino ang komunikasyon dahil naiwan nito ang kanyang telepono.

Hindi natin kinokondena ang pagkaka-iwan ni Noynoy ng kanyang phone pero bilang Communications Secretary, dapat bang gawing alibi ni Sec. Carandang ang pagkaka-breakdown ng communication sa pagitan nila ng kanyang Pangulo dahil sa hindi natanggap na text message?

Kahit siguro sa isang Student Council hindi uubra ang palusot na ito.  Karamihan ng kapalpakan na nabubulgar sa administrasyong Aquino ay gawa ng mga tao ng Pangulo na nilagay nya sa mahahalagang pwesto sa gobyerno. Sabi nga ng marami, maawa naman sila sa bayan, mag-resign silang  lahat nang sa gayon ay mapalitan sila ng mas may karapatan at may kakayahang humawak ng sensitibong pwesto sa gobyerno.

Sa tingin ko, marami pang kapalpakan ang mangyayari sa gobyernong Aquino sa loob ng anim na taon kung hindi mag-aaral ng lubusan ang mga political soldiers ng Pangulo at kung hindi magkakaroon ng political will si PNoy na tanggalin ang mga palpak at palitan ng mga competent leaders.

Sabi nga ni Aquino hindi sya si Superman. Kaya nga. Hindi nya dapat gawing mag-isa, na gaya ni Superman na solong nililigtas ang mundo. Kailangan nya ng tulong mula sa ating lahat na nagtiwala sa kanya at bumoto para sya maging Pangulo.

Pero higit sa lahat, kailangan ni PNoy ng tulong, kahit pa mula sa pinagsama-samang Student Councils sa bansa, basta yung mga may alam sa pagpapatakbo ng bansa at may ngiping magdesisyon ng tama.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply