Sorry eyes

NAUUSO ang sore eyes kaya nila binabaklas ang mga bahay ng iskwater na kung tawagin ng mga sosyal e eye sores.

Masakit sa mata at sakit sa mata. Pareho lang ang mga ito para sa mga taong nakararanas lang ng gutom kapag sinasadya. At para maglinis ng konsensiya, pinalitan na nila ang tawag sa iskwater ng “informal settlers.”

Hindi lang pala eye sores, ear sores din ang mga iskwater. Masakit sa tenga ang “slum” kaya “informal settlement” na ito ngayon. Ito raw ang “politically correct” na tawag sa kanila. Ano naman kaya ang informal dito, ang pamamaraan ng paninirahan? E sa dami nila, baka sila pa ang “formal” at ‘yung mga nakatira sa Forbes Park at Dasmarinas Village ang informal.

Bweno, yayamang tanggap na ng karamihan ang bagong tawag sa dati kong mga katoto, tatanggapin ko na rin ang “informal settlers” kahit masyadong mahaba ito kesa sa simpleng iskwater.

Sa mga nangyayaring karahasan sa demolisyon, ang kadalasang sinisisi ng lahat, pati ng ilang taga-media, e ‘yung mga “professional squatters,” este, “professional informal settlers.” Ito ‘yung mga nagpapaupa sa mga nakatira sa informal settlement at may negosyo. Sila raw ang pasimuno ng gulo dahil sila ang mas mawawalan kapag napalayas sa lugar.

Excuse me po. Mababa na nga ang pagtingin ng marami sa kanila, kailangan pa bang insultuhin ang mga informal settlers at palabasing wala silang sariling pag-iisip, at kaya sila tumututol sa demolisyon e dahil lang sa sulsol ng mga “slumdog millionaires,” este, mga “milyonaryong” informal settlers?

Ang isang komunidad ng mahihirap ay salamin ng malawak na lipunan. May hagdan ang kalagayan nila sa buhay; merong mahirap pa sa tao at merong singhirap ng aso. Merong may mesang kainan, merong sa sahig kumakain. Merong semento ang dingding at merong plastic lamang. Merong nakasapatos, merong nakapaa.

Palibhasa’y walang titulo ang lupa, nagkakaroon ng “rights” sa lugar kung sino ang naunang tumira. Hindi man nakasulat sa batas, sinusunod iyan na batas ng tao.

Noong natira ako sa isang informal settlement sa Quezon City, wala na akong pagtayuan ng sarili kong bahay – at gustuhin ko mang magtayo ng barung-barong, wala akong panggastos – kaya syempre nangupahan ako.

Hindi ko pwedeng sabihing “professional informal settler” ‘yung landlord, este, houselord, dahil nakatira siya mismo sa lugar at dinaranas niya kung ano ang dinaranas ng mga naroon. Nagbabayad din siya ng kuryente sa mga sigang “panginoong maykuryente” na kumukunekta sa malapit na mga poste ng Meralco. At sumasahod ng tubig sa kung saan-saang kuneksyon.

Ang tinatawag kasing “professional” e ‘yung titira sa isang informal settlement, magtatagal doon, maghihintay na dumami ang nakatira, saka ibebenta ang kubol at lilipat na naman sa ibang lugar. Imagine kung ganoon ang “hanapbuhay” mo, napakatagal ng ROI (return on investment). Dilat na ang mata mo sa gutom bago ka kumita. At kaya nga lumilipat ng lugar ang marami sa kanila e dahil nga sa demolisyon. Kung totoo mang may gumagawang hanapbuhay sa informal settling, demolisyon ang isa sa mga nagtutulak sa kanila. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply