‘Student-OJTs’ inaabuso sa Singapore

NABULGAR  sa Senado na inaabuso sa Singapore ang mga estudyanteng lumalahok sa on-the-job training (OJTs) sa hotel at restoran alinsunod na kurikulum bahagi ng kanilang kurso sa lokal na kolehiyo.

Sa pagdinig ng badyet ng Department of Labor and Employment, ibinulgar ni Sen. Franklin Drilon na marami ngayon na estudyante ang nagpupunta sa Singapore upang lumahok sa OJT ngunit kalahati lamang ng legal na sahod ang kanilang tinanggap.

“Kinakalap ng mga hotel at restoran sa Singapore ang mga lokal na estudyante bilang OJTs, ngunit kalahati lamang ng legal na pasahod ang kanilang tinatanggap na umaabot sa $300 kada buwan kahit $600 ang legal na pasahod sa naturang industriya,” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na inaabuso ang mga lokal na estudyante ng mga recruiter sa Singapore dahil malaki ang kanilang kinikita sa mga lumalahok sa OJT na pinapayagan naman ng mga lokal na kolehiyo.

“Masyadong talamak ang ganitong gawain sa Singapore, partikular sa hotel and restaurant industry,” dagdag ni Drilon.

Binalaan din ni Drilon ang mga lokal na kolehiyo na nagpapadala ng OJT sa Singapore na bantayan ang kanilang estudyante laban sa anumang uri ng pananamantala dahil pananagutan nila ang kalagayan ng mga kabataan.

“Responsibilidad ng local schools ang mga estudyante dahil anuman ang mangyari sa kanila (estudyante), pananagutan nila ito at maaari silang (local schools) kasuhan dito,” ayon kay Drilon.

Dahil dito, nakatakdang magsagawa ng kaukulang pagdinig ang Senado upang makalikha ng isang panuntunan upang matigil ang ganitong pananamantala ng mga lokal na kolehiyo sa ating mga kabataan na gustong makapagtapos ng pag-aaral.

“Bahagi ng kanilang kurikulum ang OJT, pero kailangan natin ng isang remedial legislation upang mabigyan ng proteksiyon ang mga estudyante laban sa pananamantala ng mga recruiter sa Singapore,” ayon kay Drilon.

Inatasan din ng senador ang Commission on Higher Education (CHed) na magsagawa ng kaukulang alituntunin upang magkaroon ng regulasyon sa sistema at maiwasang mapagsamantalaha ng dayuhan ang ating kabataan.

“Ched must come up with their guidelines and regulation para maprotektahan natin ang mga kabataan,” ayon kay Drilon. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply