Suhol sa PCSO officials ibinuking sa House probe

IBINUNYAG kahapon sa Kamara ni jueteng whistleblower Sandra Cam na tumanggap ng suhol na mamahaling sasakyan ang ilang direktor ng Philippine Charity Sweepstakes Office mula sa mga small town lotto operator at jueteng lord na rin.

Sa kanyang testimonya sa Kamara na dumidinig sa anomalya sa jueteng at STL, naganap umano ang panunuhol noong nakaraang administrasyon at nakaupo pa hanggang ngayon sa PCSO ang nasabing mga opisyal.

Nagkakahalaga umano ng nasa P2 milyon bawat isa ang mga sasakyang Minicooper kapalit ng pananahimik ng mga direktor sa magkasabay na operasyon ng jueteng at STL.

Kabilang umano sa mga direktor na tumanggap ng suhol ang isang dumalo sa pagdinig ng Kamara ngunit tumangging pangalanan ito.

Diin ni Cam, hangga’t hindi naaalis sa puwesto ang mga tauhan ng nakaraang administrasyon at ang PCSO pa rin ang mangangasiwa sa STL, mananatiling bigo ang pamahalaan sa kampanya nito sa iligal na pasugal.

Sinabi naman ni kasalukuyang PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas na simula nang gumana ang STL noong 2006, kumita lang ito ng kabuuang P8.2 bilyon samantalang tinataya noon na aabot sa P40 bilyon ang kita rito.

May paniniwalang biktima ang STL ng pag-iral ng jueteng na pinagkakitaan lang ng mga STL-jueteng lord.

Ipinaliwanag naman ni Rojas  na malaki ang inasahang kita sa pagtayang laganap sa buong bansa ang STL subalit may operasyon lang umano ito sa nasa 20 sa 82 lalawigan.

Sinabi naman ni Retired Archbishop Oscar Cruz na ginawa lang na pantakip sa operasyon ng jueteng ang STL. Beth Aragon

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply