Suporta sa Sports

HINDI na nagdalawang-isip si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na idulog sa ating mga mambabatas ang dagok na mararamdaman ng ating mga pambansang atleta sakaling hindi magawan ng aksiyon na madagdagan ang pondo ng sports sa susunod na taon.

Sa nilabas na budget report ng Department of Budget and Management (DBM) P165 milyon lamang ang inendoso para sa budget ng sports sa 2011, mahigit tatlong patong ang ibinawas sa proposed na P750M budget ng PSC.

Hindi lamang sports ang kinaltasan ng DBM bilang paghahanda na rin malaking pangangailangan sa pananalapi ng administrasyon ni PNoy. Madaling intindihin ika nga!. Ngunit, kipkip ang alalahanin si chairman Garcia bunsod ng katotohanan na malaki ang pangangailangan ng bansa para maihanda ang atletang Pinoy.

Sasabak ang bansa sa Southeast Asian Games sa Jakarta. At sa 2012, nakalinya na ang Olympics sa London. Mula ngayon hanggang sa Olympics, masidhing pagsasanay, exposures, sports medicines at pangangailangan sa nutrisyon ang dapat tanggapin ng mga atleta.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ng PSC, sa pakikipagtulungan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang ‘template’ para sa programa sa nutrisyon ng mga atleta na kasalukuyangnasa 600 ang  bilang.

Nakatuon din si Garcia na palakasin ang programa sa grassroots level kung kaya’t nakahanda na para buhayin ang Batang Pinoy – multi-event para sa mga batang may idad 14-pababa, gayundin ang Philippine National Games na tatanggkilik sa mga atletang 15-anyos pataas kabilang na ang mga out-of-school youth.

Sakaling hindi maayudahan ng Senado at ng Kongreso, walang magagawa ang PSC kundi maghigpit ng sinturon. Sabi nga, kung maiksi ang kumot, umurong ‘yan dahil galing kay ‘Bumbay’.

Sa tulong nina Senadors Edgardo Angara, Chiz Escudero at Gringo Honasan, gayundin nina Congressmen Renato Unico Jr., chairman ng House Committee on Youth and Sports, gayundin nina Party-list Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Rep. Mark Sambar at Saranggani Rep. Manny Pacquiao, umaasa si Garcia na muling mabawi ang mahigit sa dalawang porsiyento na hindi naibibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Sa batas na lumikha sa PSC (RA. 6847), limang porsiyento mula sa buwanang gross income ng Pagcor ang dapat na i-remit sa PSC. Ngunit, sa nakalipas na taon 2.5 percent lamang o P30M hanggang P40M ang natatanggap ng sports agency.

May karapatan din ang PSC sa special draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at special races ng Philippine Racing Commission (PRC). Dapat ding makuha ang porsiyento mula sa taxes ng mga imported sports apparel at equipment mula sa Bureau of Customs.

Giit ni Garcia, sakaling makuha ang naturang mga pondo, hindi na kailangan magmalimos ng PSC mula sa pribadong sector o hiritan ang Malacanang para sa pondo mula sa President’s emergency fund.

Kailangan ng sports ang pera. At kailangan ng atletang Pinoy na masustinahan ang kanilang pagsasanay at kalusugan para maging world-class athletes.

Para sa komento at suhestiyon, ipadala sa zea19ker@yahoo.com. Edwin Rollon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply